Ayon sa pahayag na inilabas ngayong araw, Miyerkules, ika-8 ng Enero 2020, ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran, inilunsad nito sa nabanggit na araw ang mga missile sa dalawang air base sa Iraq na may nakatalagang mga tropang Amerikano.
Anang pahayag, ito ay ganting hakbangin laban sa pagpatay ng tropang Amerikano kay Qasem Soleimani, Komander ng Quds Force ng IRGC. Hinihiling din nito sa Amerika na iurong sa lalong madaling panahon ang mga tropa nito mula sa Gitnang Silangan.
Kinumpirma naman nang araw ring iyon ng panig Amerikano ang naturang ulat. Ayon sa pahayag ng Pentagon, inilunsad ng Iran ang mahigit sa isang dosenang missile sa dalawang air base na Al-Asad at Irbil, na may nakatalagang mga sundalo ng Amerika at puwersang koalisyon.
Ayon pa rin sa pahayag, isinasagawa ng panig Amerikano ang pagtasa sa kalagayan ng naturang mga atake, at pinag-aaralan ang mga katugong hakbangin.
Salin: Liu Kai