
Beijing--Sa kanyang talumpati, kahapon, Lunes, Enero 13, 2020, sa taunang sesyong plenaryo ng ika-19 na Central Commission for Discipline Inspection ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), binigyang-diin ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC, Pangulo ng Tsina, at Tagapangulo ng Sentral na Komisyong Militar, na dapat buong tatag na pasulungin ang komprehensibo at mahigpit na pamamahala sa partido. Sinabi rin niyang, dapat igiit at pabutihin ang sistema ng pagsusuperbisa sa partido at estado, at palakasin ang pagsusuri at pagsusuperbisa sa paggamit ng kapangyarihan.
Dagdag niya, dapat pabutihin ang sistema, para igarantiya ang pagtupad ng mga opisyal sa kanilang tungkulin, batay sa mga prinsipyo ng paggalang sa katotohanan, pagiging pragmatiko at malinis, at paglayo sa katiwalian.
Sinabi rin ni Xi, na dapat palakasin ang pagsusuperbisa sa mga gawaing may kinalaman sa pagpawi sa kahirapan. Dapat din buong sikap na lutasin ang mga isyung lubos na ikinababahala ng mahihirap, at sumasabotahe sa kani-kanilang kapakanan, ani Xi.
Binigyang-diin niyang, dapat palalimin ang paglaban sa katiwalian sa larangan ng pinansyo at sa mga bahay-kalakal na ari ng estado. Hiniling din niyang pag-ibayuhin ang pangangasiwa sa mga yaman at ari-arian ng estado.
Salin: Liu Kai