Ipinadala nitong Lunes, Enero 6, 2020 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang balik-liham sa mga estudyante ng Global Alliance of Universities on Climate (GAUC) kung saan binigyan niya ng lubos na papuri ang pagbibigay-pansin ng mga mag-aaral sa mga problemang may-kaugnayan sa hinaharap ng sangkatauhan. Inaasahan ani Xi, na aktibong kikilos ang mga estudyante para magkakasamang maproteksyunan ang mundo, na siyang komong lupang-tinubuan ng buong sangkatauhan.
Sa World Economic Forum (WEF) na ginanap noong Enero, 2019, itinaguyod at inimbitahan ng Tsinghua University ang maraming bantog na unibersidad sa daigdig para talakayin ang tungkol sa historikal na responsibilidad na dapat isabalikat ng mga unibersidad sa pagharap sa pagbabago ng klima. Ang panawagang ito ay pinag-ukulan ng positibong reaksyon. Noong Mayo ng nagdaang taon, pormal na naitatag sa Tsinghua University ang GAUC, kung kailan, naging mga miyembrong tagapagtatag ang 12 unibersidad mula sa 9 na bansa. Nanungkulan naman ang Tsinghua University bilang unang pamantasang tagapangulo.
Sa liham na ipinadala ng mga estudyante ng GAUC kay Xi, inilahad nila ang natamong bunga sa kanilang paglahok sa pag-aaral at praktis ng alyansang ito. Ipinahayag nila na handa silang magkakasamang kumilos sa pagharap sa pagbabago ng klima, at maging tagapagtatag ng tulay ng kooperasyong pandaigdig sa usaping ito.
Salin: Li Feng