Isinagawa ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang dalaw-pang-estado sa Myanmar mula nitong Biyernes at Sabado, Enero 17 hanggang Enero 18. Kaugnay nito, isinalaysay ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang mga natamong bunga at mahalagang katuturan ng katatapos na biyahe ni Xi.
Ani Wang, sa dalawang araw na pagdalaw ni Xi, dalawampu't siyam (29) na kasunduang pangkooperasyon sa iba't ibang larangan ang narating ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang dalawang bansa na itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan. Layon nitong patingkarin ang matagal na pagkakaibigang Paukphaw ng mga mamamamayan ng dalawang bansa at itakda ang blueprint para sa kaunlaran ng bilateral na ugnayan sa hinaharap, ani Wang. Bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina't Myanmar, pinasinayaan din aniya ng mga lider ng dalawang bansa ang iba't ibang selebrasyon, at Taon ng Kultura at Turismo ng dalawang bansa.
Saad ni Wang, kinikilala rin ng magkabilang panig ang pagpasok sa substansyal na yugto ng pagtatatag ng Economic Corridor ng dalawang bansa, para maghatid ng mas maraming benepisyo para sa mga mamamamayan.
Kapuwa ang Tsina at Myanmar ay bansang tagapagtatag at tagapagsuporta sa Limang Simulain ng Mapayapang Pakikipamuhayan. Ani Wang, bilang pagpapatupad sa naturang simulain, laging nagsusuportahan ang Tsina't Myanmar. Sa ilalim ng kasalukuyang mundo kung saan lalong umaasa sa isa't isa ang iba't ibang bansa, nakahanda ang dalawang bansa na patuloy na tumalima sa nabanggit na simulain para magtayo ng magandang modelo ng pag-uugnayan ng mga bansa at magkasamang pasulungin ang komunidad ng daigdig na may pinagbabahaginang kinabukasan, diin ni Wang.
Salin: Jade
Pulido: Rhio