Ipinahayag ngayong araw, Setyembre 12, 2017 ng Tsina ang suporta sa bagong resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC) bilang tugon sa isinagawang nuclear test ng Hilagang Korea noong Setyembre 3.
Buong pagkakaisang pinagtigay Lunes, Setyembre 11 ng UNSC ang Resolusyon bilang 2375 para patawan ng bagong sangsyon ang Hilagang Korea (DPRK). Ipinagdiinan din ng resolusyon ang pangangalaga sa katatagan at kapayapaan ng Korean Peninsula at pananangan sa paglutas sa isyung nuklear ng Korean Peninsula sa mapayapa't diplomatikong paraan.
Ipinahayag ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asa ng bansa na ganap at komprehensibong matutupad ang nasabing resolusyon. Ipinagdiinan din niya ang pananangan ng Tsina sa paglutas sa isyung nuklear ng Korean Peninsula sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Para rito, muli niyang iminungkahi sa mga may kinalamang panig na isaalang-alang ang "double suspension" proposal at "dual track" approach na iniharap ng Tsina.
Batay sa "double suspension" proposal, kailangang itigil ng Hilagang Korea ang mga aktibidad na nuklear at paglulunsad ng missile samantalang kailangang suspendihin ng Estados Unidos at Timog Korea ang kanilang malawakang pagsasanay militar.
Ang "dual track" approach ay tumutukoy sa magkasabay na pagsasakatuparan ng walang-nuklear na Korean Peninsula at pagtatatag ng mekanismong pangkapayapaan sa Korean Peninsula.
Salin: Jade