Beijing, Tsina—Ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pagtutol ng kanyang bansa sa unilateral na sangsyon mula sa anumang bansa, sa labas ng balangkas ng United Nations Security Council (UNSC).
Si Tagapagsalita Hua Chunying sa regular na preskon. Photo source: fmprc.gov.cn
Ipinahayag ni Hua ang nasabing paninindigan sa regular na preskon Biyernes, Agosto 25, 2017, bilang tugon sa pag-apruba nang araw ring iyon ng Gabinete ng Hapon sa pagpapataw ng bagong unilateral na sangsyon laban sa mga programang nuclear at ballistic missile ng Hilagang Korea. Apektado ng nasabing sangsyon ang limang kompanya at isang indibiduwal mula sa Tsina, at apektado rin ang mga bahay-kalakal at indibiduwal mula sa Namibia at Timog Korea.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na palagiang komprehensibong sinusunod at tinutupad ng Tsina ang mga resolusyon ng UNSC na may kinalaman sa isyu ng Hilagang Korea. Idinagdag niyang ang nasabing unilateral na sangsyon ng Hapon ay matinding nakakapinsala sa relasyong Sino-Hapones at nagsisilbi itong bagong hadlang sa proseso ng pagpapabuti ng ugnayan ng dalawang bansa. Hinimok ng tagapagsalitang Tsino ang Hapon na itigil kaagad ang kamalian nito.
Salin: Jade