Ayon sa pinakahuling datos ng Pambansang Komisyong Pangkalusugan ng Tsina, hanggang alas-24:00 kagabi, Enero 28, 132 ang namatay dahil sa epidemiya ng bagong coronavirus at di-kukulangin sa 5974 ang kumpirmadong kaso ng pagkahawa ng virus sa loob ng bansa.
Samantala, sa pahayag ng mga opisyal ng Konsulado ng Pilipinas sa Shanghai at Guanzhou, walang mga Pinoy ang nahawahan ng sakit na dulot ng bagong coronavirus. Tanghali ng Enero 28, 2020 ipinaalam sa China Media Group ni Consul General Marshall Louis Alferez ng Guangzhou Consulate na walang apektadong Pilipino sa mga lalawigang Guangdong, Hunan at Guangxi. Samantala, ayon naman kay Consul Marlowe Miranda ng Shanghai Consulate, nananatiling ligtas sa novel coronavirus affliction ang mga Pilipino sa Hubei, Anhui, Jiangsu, Zhejiang at Shanghai. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga opisyal ng Pilipinas sa Filipino community lalo na sa Wuhan, Hubei kung saan nagsimula ang epidemya. Bukas ang linya ng komunikasyon sa nasabing mga kunsulado upang agad na rumisponde sa mga Pilipinong mangangailangan ng tulong.
Ulat/Salin: Mac/Jade