Nakatakdang bumalik sa Pilipinas ang higit 40 Pilipino na nasa Wuhan at iba pang lugar sa Hubei, Tsina. Ito ay bahagi ng repatriation efforts ng pamahalaang Pilipino matapos ipinatupad ng Tsina ang lockdown sa Wuhan, epicenter novel coronavirus (nCoV) epidemic. Ayon kay Consul Marlowe Miranda ng Philippine Consulate General in Shanghai, sa panayam ng China Media Group Filipino Service, Pebrero 8 Sabado, ng hapon aalis ang unang batch. Ngayong araw, ani Consul Miranda, abalang abala sila sa pag-aasikaso ng mga OFW at inihahanda sila kaugnay ng kanilang nalalapit na pag-uwi sa Pilipinas. Ayon sa direktibang itinakda ng pamahalaang Pilipino, sasailalim sa 14 na araw na quarantine ang mga repatriated na Pilipino mula sa Hubei.
Samantala, ayon kay Elaine Hernandez ng Kunsulado ng Pilipinas sa Xiamen,sa Pebrero 10, 2020 may special flight ang Philippine Airlines para sa mga Pilipinong nais umuwi ng Pilipinas. Walang naiulat na kaso ng pagkahawa sa nCoV sa mga lalawigan ng Fujian at Jiangxi. Sa pamamagitan ng mga advisories, ibinabahagi nila ang pinakabagong impormasyon kaugnay ng nCoV epidemic. Kanila ring pinaalalahanan ang mga Pilipino na ibayong mag-iingat at maging mapagmatyag.
Sa Hong Kong, naiulat ang 2 pinaghihinalaang kaso ng pagkahawa sa nCoV. Ayon kay Consul General Raly Tejada na binigyan ng clean bill of health ang naunang naibalitang Pilipina at lumabas na siya sa ospital. Kasalukuyang bumalik na siya sa kanyang amo, at ang bahay ay sinigurong sanitized ng Health Department ng Hong Kong. Ang ikalawang Pinay ay nanatiling nakaquarantine. Ayon pa kay ConGen Tejada, siya ay asymptomatic at malusog. Inaasahang lalabas siya matapos ang 14 na araw.
Nanatiling zero affliction naman sa mga kinasasakupang lugar ng Konsulada ng Pilipinas sa Guangzhou ayon kay Consul General Marshall Louis Alferez. Hinggil sa inihaing na petisyon upang alisin ang travel ban sa mga OFW na stranded sa Pilipinas, partikular ang mga nagtatrabaho sa Guangzhou, sinabi ni ConGen Alferez na ito'y ipinaabot sa kanya at ang tugon ng pamahalaan ay patuloy na ipatupad ang travel ban sa mga Pilipinong nais pumunta sa Tsina. Dagdag ni Alferez, maari ito magbago paglipas ng ilang linggo.
Ayon sa pahayag ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs sa Manila, walang Pilipino ang naiulat na nagkasakit kaugnay ng nCoV epidemic sa kabuuan ng mainland ng Tsina.
Balita : Mac Ramos