Nitong Miyerkules, Pebrero 12, nangulo si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa pulong ng Pirmihang Lupon ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), kung saan inilatag ang mga gawain ng pagpuksa sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at pag-unlad ng kabuhaya't lipunan. Ito ang ika-3 pulong ng top decision-making body ng Tsina sa loob ng 19 na araw. Nagpadala ito ng dalawang mahalagang impormasyon: una, lumitaw ang positibong pagbabago sa kalagayan ng epidemiya, at detalyado't mabisa ang isinasagawang hakbangin ng Tsina sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya; at ika-2, pabubutihin ng Tsina ang gawain ng pagpuksa sa epidemiya at pag-unlad ng kabuhaya't lipunan, upang mapababa sa pinakamaliit na digri ang epekto ng epidemiya, at maisakatuparan ang iba't ibang target at tungkulin sa pag-unlad sa kasalukuyang taon.
Ang positibong bunga na natamo ng gawain ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ay lumikha ng paborableng kondisyon para sa pagsasakatuparan ng target na pangkaunlaran ng bansa sa taong ito.
Nitong nakalipas na ilang araw, parami nang paraming bahay-kalakal na Tsino ang muling nagbukas ng kani-kanilang operasyon at produksyon. Ipinagdiinan sa nasabing pulong na dapat katigan ang pagpapanumbalik ng operasyon at produksyon ng mga bahay-kalakal na pinatatakbo ng puhunang dayuhan, pasulungin ang pagpapatupad ng malalaking proyektong may puhunang dayuhan, pabutihin ang kapaligiran ng pamumuhunan ng mga dayuhang mangangalakal, at pangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng puhunang dayuhan.
Sa nakalipas ng ilang araw, magkakasunod na inilunsad ng iba't ibang lugar ng Tsina ang mga hakbangin ng pagkatig sa mga bahay-kalakal na gaya ng pagbabawas ng buwis, suporta sa kredit, pagbibigay-priyoridad sa hanap-buhay at iba pa, bagay na magsisilbing malakas na suporta sa sustenableng pag-unlad ng mga bahay-kalakal.
Sa taong 2020, komprehensibong ipapatupad ng Tsina ang pagtatatag ng may kaginhawahang lipunan. Kahit nagaganap ang epidemiya, hinding hindi dapat ikatakot ng mga mamamayang Tsino ang mga problema at kahirapan. Hindi lamang lubusang pagtatagumpayan nila ang epidemiya, kundi isasakatuparan din ang nakatakdang target ng pag-unlad.
Salin: Vera