Ipinahayag sa Beijing Biyernes, Pebrero 14, 2020 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang inilabas na anunsyo kamakailan ng Shanghai Cooperation Organization (SCO) para katigan ang panig Tsino sa pakikibaka laban sa kalagayang epidemiko ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ay nagpapakita ng mabuting tradisyonal ng pagtutulungan sa pagitan ng mga kasapi nito. Nakahanda aniya ang panig Tsino na ipagpatuloy ang mahigpit na pakikipagkooperasyon sa komunidad ng daigdig na kinabibilangan ng mga miyembro ng SCO, para magkakasamang labanan ang kalagayang epidemiko.
Kamakaila'y ipinalabas ng SCO ang pahayag bilang pagsuporta sa panig Tsino sa pakikibaka laban sa COVID-19. Nauna rito, ipinahayag din ni Vladimir Norov, Pangkalahatang Kalihim ng SCO, na magsisiskap ang mga bansang SCO, kasama ng mga mamamayang Tsino, para magkakasamang harapin ang epidemiyang ito.
Bukod dito, ipinalabas Biyernes ng SCO ang pahayag na nagsasabing mainit na tinatanggap ng mga kasaping bansa nito ang mga isinasagawang mabilis at mabisang hakbangin ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino para sa pakikibaka laban sa kalagayang epidemiko at pagpigil sa pagkalat nito. Nanawagan din ito sa komunidad ng daigdig na palakasin ang kooperasyon para magkakasamang maproteksyunan ang pampublikong kaligtasang pangkalusugan sa rehiyon at buong daigdig.
Salin: Lito