|
||||||||
|
||
Nagtagpo kagabi sa Vientiane, Laos sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Kalihim Teodoro Locsin ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DOF) ng Pilipinas.
Pinag-usapan ng dalawang ministro ang hinggil sa magkakasamang paglaban sa epidemiya ng novel coronavirus (COVID-19).
Pinasalamatan ni Wang ang buong-tatag na suporta ng pamahalaang Pilipino sa Tsina laban sa COVID-19.
Nalaglag ang puso ng mga mamamayang Tsino sa lantarang pagkatig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina, pagkondena ni Kalihim Locsin sa mga di-makatotohanang pananalita hinggil sa Tsina, at pagkakaloob ng donasyong pinansyal at materyal ng iba't ibang sektor ng Pilipinas sa Tsina, dagdag pa ni Wang.
Ipinakikita nito ani Wang ang malalim at matagal nang pagkakaibigan at kapatiran sa pagitan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino.
Nananalig ang panig Tsino na sa pagsubok ng epidemiya, ibayo pang lalalim at lalakas ang pagkakaibigan at pagtitiwalaan ng Tsina't Pilipinas, diin ni Wang.
Pinasalamatan din ni Wang ang Pilipinas, na nagsisilbing bansang tagapagkoordina para sa ugnayan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), sa pag-organisa para sa Espesyal na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN hinggil sa COVID-19, na idinaos ngayong araw, Huwebes, Pebrero 20.
Iniabot naman ni Locsin kay Wang ang liham ni Pangulong Duterte para kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Pumapanig ang Pilipinas sa pamahalaan at mga mamamayang Tsino, at hinahangaan ang buong-lakas na pagsisikap ng Tsina bilang tugon sa epidemiya ng COVID-19, diin ni Locsin.
Sa gitna ng kahirapan, nananatili at mananatiling kaibigan ng Tsina ang Pilipinas, aniya pa.
Sa ngalan ng panig Pilipino, ipinahayag din ni Locsin ang pasasalamat sa bukas-palad na tulong ng panig Tsino sa Pilipinas.
Nakahanda aniya siyang pasulungin ang pagkakaisa at pagtutulungang Sino-ASEAN sa kasalukuyang kritikal na panahon.
Magkasamang nangulo sina Wang at Locsin sa naturang espesyal na pulong.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |