|
||||||||
|
||
Hiniling ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa buong bansa na kasabay ng patuloy at buong lakas na pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng novel coronavirus disease (COVID-19), kailangan ding maayos na panumbalikin ang mga operasyong pangnegosyo.
Layon nitong pawiin ang presyur ng pagharap sa epidemiya, at ito rin ay magsisilbing lakas-pampasulong para maisakatuparan ang mga nakatakdang target na pangkabuhayan at panlipunan ng bansa, diin ni Xi, sa kanyang paglahok nitong Linggo, sa isang may kinalamang pulong.
Inilalarawan ni Xi ang epidemiya ng COVID-19 bilang pangkagipitang pangyayaring pangkalusugan na pinakamabilis na kumalat, pinakamalawak na nakakahawa, at pinakamahirap na tugunan sapul nang itatag ang Republika ng Bayan ng Tsina noong 1949.
Ipinakikita naman ng napapahanon at mabisang pagharap ng Tsina ang kakayahang administratibo at bentaheng pansistema ng bansa.
Maayos na pagpapanumbalik ng produksyon at negosyo
Inulit din ni Xi na pansamantala lamang at makokontrol ang epekto ng epidemiya sa panlahat at pangmatagalang pag-unlad ng bansa.
Hiniling niya sa buong bansa na maalwang panumbalikin ang produksyon at normal na pamumuhay, batay sa lebel ng panganib ng pagkahawa sa iba't ibang lokalidad at sektor.
Ang mga bagong patakaran ay paiiralin para tulungan ang mga maliit at katamtamang laking bahay-kalakal (SMEs), dagdag pa ni Xi.
Ipinangako rin ni Xi ang patuloy na pag-ooptimisa ng Tsina sa kapaligirang pangnegosyo para sa mga bahay-kalakal na dayuhan, upang mapalakas ang kanilang kompiyansa sa pangmatagalang pamumuhunan sa bansa.
Masusing yugto
Ipinagdiinan ni Xi na nasa masusing yugto ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ngayon.
Hinimok niya ang pagpapabilis ng pananaliksik at pagdedebelop (R&D) ng mga gamot, bakuna at mga kagamitang medikal para mapagaling ang pagsusuri at paggamot sa sakit.
Nangako rin ang pangulong Tsino na patuloy na makikipag-ugnayan at magbabahagi ng impormasyon sa World Health Organization at iba pang mga bansa para magkakasamang maharap ang epidemiya.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |