|
||||||||
|
||
Inulit ng Tsina na matutupad sa taong ito ang pambansang target na pag-ahon sa karalitaan ng lahat ng mga natitirang mahirap na mamamayang Tsino.
Sa preskon ngayong araw, ipinahayag ni Liu Yongfu, Direktor ng State Council Leading Group Office of Poverty Alleviation and Development, na sa kabila ng hamon at epektong dulot ng epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), hindi magbabago ang determinasyon ng bansa na mapawi ang karalitaan bago magtapos ang 2020.
Diin ni Liu, paiiralin pa rin ang mga pamantayan ng pagpapahupa ng kahirapan sa lahat ng mga aspekto na gaya ng kita, pagkain, at kalagayan sa pamumuhay.
Paliwanag niya, alinsunod sa mga patnubay ng bansa, upang matiyak ang tagumpay ng pagpawi ng karalitaan, dapat mabigyan ng sapat na pagkain at damit ang mahihirap na mamamayan.
Bukod dito, kailangan ding bigyan ng siyam na taong kompulsaryong edukasyon ang mga anak ng mga pamilyang mababa ang kita.
Kailangan ding tugunan ang mga saligang pangangailangan sa serbisyong medikal at kondisyon sa pamumuhay ng mga mahirap na mamamayan.
Nakita sa Tsina ang kagila-gilalas na pagbaba ng mahirap na populasyon mula sa halos 100 milyon noong 2012 hanggang 5.51 milyon noong katapusan ng 2019.
Samantala, ang proporsyon ng mga mamamayan sa kanayunan na namumuhay sa ibaba ng poverty line ay nabawasan sa 0.6% noong 2019 mula 10.2% noong 2012.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |