|
||||||||
|
||
Nagpasiya ang pamahalaang Tsino na iabuloy ang mga gamit-medikal sa pamahalaang Pilipino para tulungan ang huli sa pagpuksa sa epidemiya ng Corona Virus Disease (COVID-19). Kabilang sa mga donasyon ang 100,000 test kits, 100,000 surgical masks, 10,000 N95 masks, at 10,000 sets ng pamprotektang kasuotan.
Ito ang ipinaalam ngayong araw, Marso 18, 2020, ni Ambahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas sa pamahalaang Pilipino.
Dagdag pa ni Huang, buong-higpit na nakikipag-ugnayan ang Pasuguang Tsino sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH) para matiyak na matatanggap ng panig Pilipino ang nasabing abuloy sa lalong madaling panahon. Sa gayon, matulungan ang pamahalaang Pilipino na mapigilan ang epidemiya at mapakinabangan ng mga mamamayang Pilipino.
Muling ipinagdiinan ni Ambahador Huang na nananatiling malapit sa puso ng Tsina ang Pilipinas, na gaya ng ipinakikita ng dantaong ugnayan at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Saad din ni Huang, handang handa ang sambayanang Tsino na tulungan ang kanilang kapatid na Pilipino sa kasalukuyang kagipitan.
Matatandaang ang unang batch ng tulong ng Tsina na 2000 fast test kit ay dumating sa Manila nitong Lunes, Marso 16.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |