|
||||||||
|
||
Ayon sa pahayag na inilabas kamakailan ni Tim Cook, CEO ng Apple Inc., isasara hanggang Marso 27, 2020 ang lahat ng mga tindahan ng kompanya, maliban sa mga tindahan sa rehiyon ng Greater China. Bukod dito, gagamitin ang online platform para sa Worldwide Developers Conference (WWDC) 2020 na gaganapin sa Hunyo, upang mabawasan ang panganib sa pagkalat ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Cook, kasabay ng pagkontrol ng Tsina sa pagkalat ng epidemiya, muling nagbukas ang lahat ng mga tindahan ng Apple sa rehiyon ng Greater China.
Dalawang impormasyon ang malalagom sa nasabing pahayag: una, kumakalat sa buong mundo ang epidemiya ng COVID-19, at walang humpay na nakikita ang epekto nito sa kabuhayan. At ika-2, kasabay ng mabisang pagkontrol sa epidemiya, pinapabilis ang pagpapanumbalik ng normal na kaayusan ng kabuhayang Tsino.
Pagkaraan ng masigasig na pagsisikap, natamo ng pagpigil at pagkontrol ng Tsina sa epidemiya ang mahalagang bunga sa kasalukuyang yugto. Ayon sa datos ng panig opisyal ng Tsina, maliban sa Lalawigang Hubei, balik sa trabaho't produksyon ang lampas sa 95% ng mga bahay-kalakal ng industry above designated size ng bansa, at humigit-kumulang 60% ng mga katam-taman at maliliit na bahay-kalakal ang muling nagbukas. Aktibong sumusulong ang pagpapanumbalik ng operasyon at produksyon sa Lalawigang Hubei na pinakagrabeng naapektuhan ng epidemiya.
Sa ilalim ng suporta ng mabisang patakaran, pansamantala at makokontrol ang epekto ng epidemiya ng COVID-19 sa kabuhayang Tsino. Tulad ng pag-aanalisa ng tagapagsalita ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina nitong Lunes, Marso 16, lilitaw ang malinaw na pagtaas sa pambansang kabuhayan sa ika-2 kuwarter, kumpara sa unang kuwarter, at magiging mas matatag ang paglago ng kabuhayan sa huling hati ng kasalukuyang taon.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |