|
||||||||
|
||
Sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na bumubuti ang kalagayan ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa loob ng Tsina. Kasabay ng puspusang paglaban sa epidemiya, napapanahong nagkakaloob ito ng saklolo sa ibang bansa, bagay na nagpapakita ng pananagutan ng isang reponsableng bansa. Malawakang pinapurihan ng komunidad ng daigdig ang kilos ng Tsina.
Halimbawa, sa Italya na pinakamalubhang apektado ng epidemiya ng COVID-19 sa Europa, hindi lamang ipinadala ng Tsina ang dalawang grupo ng mga dalubhasang medikal sa pagpuksa sa epidemiya, kundi ipinagkaloob din ang maraming kinakailangang materyal na medikal. Lubos na pinasalamatan ng mga netizen ng Italya ang ibinigay na tulong ng Tsina, sa pamamagitan ng social media platform.
Samantala, "sour grapes" ang pananalita ng ilang pulitiko at mediang Amerikano kaugnay nito. Nang kapanayamin kamakailan ng Fox Television, sinadyang nanulsol si Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, ng ostilong damdamin sa relasyon ng Tsina't Italya at pagkakaibigan ng kani-kanilang mga mamamayan.
Siniraang-puri naman ni Peter Navarro, Direktor ng White House National Trade Council, ang Tsina nagtataas ng bangko sa pamamagitan ng pagkakaloob ng materyal.
Nagkomento ang isang ulat ng pahayagang New York Times na "di-malinis ang motibo" ng saklolong medikal ng Tsina sa ibang bansa.
Habang magkakasamang nilalabanan ng komunidad ng daigdig ang epidemiya ng COVID-19, sa halip ng pagpapakita ng pandaigdigang moralidad at responsibilidad bilang isang malaking maunlad na bansa, sinisiraan ng Amerika ang ibinigay na tulong ng Tsina sa ibang bansa. Ang ganitong napakasakim na kaisipan ay nagpapakita ng ideyang "America First." Buong lakas din itong humahadlang sa kooperasyong pandaigdig laban sa epidemiya.
Tulad ng sabi ng isang netizen: "Pinatawan ng Amerika ng sangsyon ang Iran, at ipinadala ng Tsina ang saklolo sa Iran. Ipinagbabawal ng Amerika ang paglalakbay ng mga mamamayang Europeo sa Amerika, at ipinadala ng Tsina ang saklolo at grupong medikal sa Italya. Alam na ng iba't ibang bansa kung sino ang tunay na kaibigan nila."
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |