Ginanap nitong Lunes, Marso 23, 2020 ang virtual meeting ng mga ministro ng pananalapi at gobernador ng mga bangko sentral ng G20. Tinalakay sa pulong ang hinggil sa epekto ng epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa kabuhayang pandaigdig, at sinang-ayunang koordinahin ang mga hakbang upang magkakasamang harapin ang hamong pandaigdig na dulot ng epidemiya.
Nangulo sa pulong ang panig ng Saudi Arabia, kasalukuyang Tagapangulong Bansa ng G20.
Ipinahayag ni Mohammed al-Jadaan, Ministro ng Pananalapi ng Saudi Arabia, na kailangang palakasin ng G20 ang kooperasyon, at isagawa ang koordinadong aksyon, upang mapangalagaan ang katatagan ng kabuhayang pandaigdig at pamilihang pinansyal, at mapigilan ang pangmatalagang negatibong epekto ng epidemiya sa kabuhayan.
Sa isa pang may kinalamang ulat, sa regular na preskon sa Geneva nitong Lunes, nanawagan si Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor Heneral ng World Health Organization (WHO) sa G20 na magbuklud-buklod, at magpakita ng malakas na pangakong pulitikal, para koordinadong labanan ang epidemiya ng COVID-19.
Salin: Vera