Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

[OP-ED] DOH, BIGLANG KUMAMBIYO: SINABING DONASYONG TEST KIT NG TSINA SA PILIPINAS, MATAAS ANG ISTANDARD

(GMT+08:00) 2020-03-30 14:30:55       CRI
Sa IPINADALANG MENSAHE, Marso 29, 2020 ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque kay Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, sinabi niyang:

"Hi! There is nothing wrong with the REAL TIME-POLYMERASE CHAIN REACTION machine which is used for generating positive or negative result as the case may be! Again your Test Kits BGI and SANSURE BIOTECHNOLOGY are very good and up to the standards as those which were donated by WHO and approved by our RITM. AGAIN OUR GRATITUDE AND APPRECIATION TO YOU AND THE CHINESE Government."

Ang mensaheng ito ay opisyal na paglilinaw ni Duque sa preskon na idinaos ng DOH, Marso 28, 2020.

Sa naturang preskon, sinabi ni Assistant Secretary Maria Vergeire, "sa mga pinadala sa amin na test kits from China na nakapagpakita ng 40 percent accuracy - hindi po natin ito ginamit dahil nakita na mababa ang accuracy natin dito. Kaya ito na lang po ay ating itinago."

Sa kabila ng mga salitang ito, hindi nagbigay ng detalye si Vergeire sa kanyang pahayag。

Una, hindi niya sinabi kung ang mga tinutukoy niyang test kit ay opisyal bang donasyon ng pamahalaang Tsino.

Ikalawa, hindi niya nilinaw kung aling kompanya ang gumawa ng mga ito.

Ikatlo, hindi niya binanggit kung sumailalim ba ang mga ito sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Pilipinas, at aprubado ba ng National Medical Products Administration ng (NMPA) ng Tsina.

Ikaapat, wala siyang binanggit kung ilan ang mga ito; at kailan dumating sa Pilipinas ang mga ito.

Dahil sa sinabi ni Vergeire, maraming media ng Pilipinas ang agarang naglabas ng mga balitang dumudungis sa reputasyon ng Tsina bilang isang mapagkaibigang bansang nais lamang tumulong sa mga mamamayan at pamahalaang Pilipino.

Maaalalang sa unang yugto ng pagsiklab ng epidemiya ng COVID-19 sa Tsina, mahalagang tulong ang ipinagkaloob ng pamahalaan at mga mamamayang Pilipino sa pamahalaan at mga mamamayang Tsino.

Ang tulong na ito ay nakapagbigay ng lakas ng loob sa maraming mamamayang Tsino, at nagpabatid sa mga taga-Wuhan, dating episentro ng epidemiya ng COVID-19 sa Tsina; na hindi sila nag-iisa sa kanilang kahirapan at kaagapay nila ang mga mamamayan at pamahalaan ng Pilipinas.

Kaya naman, nang kumalat ang COVID-19 sa Pilipinas, dagliang nagpadala ng tulong at patuloy na tumutulong ang Tsina.

Kabilang sa mga ipinadalang tulong ng Tsina sa Pilipinas ay mga test kit, personal protection equipment, surgical mask, N95 mask, at pagbabahagi ng kaalaman hinggil sa paglaban at pagpuksa sa COVID-19.

Siyempre, ang lahat ng kagamitang medikal na donasyon ng Tsina sa Pilipinas ay APRUBADO ng NMPA ng Tsina at dumaan sa pagsusuri ng RITM ng Pilipinas.

Pero, sa kabila nito, nagawa pa ring maglabas ng DOH, sa pamamagitan ni Assistant Secretary Vergeire, ng di-maliwanag na datos tungkol sa mga test kit.

Sa totoo lang, ang mga pananalitang ito ay iresponsable.

Sa hindi malamang dahilan, hindi nagawang ikonsidera ng DOH noong Marso 28, ang internasyonal na implikasyon ng kanilang mga salita, at hindi rin nila naisip ang mga magiging epektong dulot ng mga ito sa relasyon ng Pilipinas sa Tsina.

Bilang tugon, agarang nakipagkoordina ang Embahada ng Tsina sa DOH, upang humingi ng eksplanasyon.

Dahil dito, biglang kumambiyo ang DOH, at nagbigay ng paglilinaw sa kanilang nagawang aksyon noong Marso 28.

Ayon sa klaripikasyon ng DOH, ang dalawang batch ng mga test kit na opisyal na ibinigay ng pamahalaang Tsino sa pamahalaang Pilipino, na kinabibilangan ng 2,000 REAL TIME-POLYMERASE CHAIN REACTION TYPE (RT-PCR) na gawa ng Beijing Genomics Institute (BGI) at 100,000 RT-PCR type na gawa ng Sansure Biotechnology ay SUMAILALIM SA PAGSUSURI ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) at napatunayang AT PAR o SIMBISA ng mga test kit na nagmumula sa World Health Organization (WHO).

Dagdag pa riyan, ang mga test kit na opisyal na donasyon mula sa Tsina ay pumasa rin sa pagsusuri at may aprubasyon ng National Medical Products Administration (NMPA) ng Tsina.

Ayon pa sa pahayag ng Embahada ng Tsina, sinabi rin sa klaripikasyon ng DOH na ang naturang mga test kit ay may mataas na kalidad at istandard, at walang anumang problema sa akurasiya o accuracy rate.

Sinabi pa sa klaripikasyon ng DOH, na ang mga donasyong test kit ng Tsina ay kasalukuyan ngayong ginagamit sa mga laboratoryo ng Pilipinas, at nakatutulong nang malaki sa pagpapabilis sa proseso ng pagsusuri sa mga may sakit.

Mariing ipinahayag ng Embahadang Tsino, na ang mga test kit na pinatutungkulan ni Vergeire ay HINDI DUMAAN sa pagsusuri ng RITM, HINDI NATANGGAP ng RITM para suriin, at HINDI RIN OPISYAL NA DONASYON mula sa pamahalaang Tsino.

Sa panahong ito ng krisis, sinabi pa ng Embahadang Tsino na kailangang magkakasamang labanan ng Tsina at Pilipinas ang epidemiya para marating ang tagumpay sa pinakamadaling panahon.

Anang Embahadang Tsino, na tinututulan ng Tsina, sa pinakamatinding paraan ang anumang iresponsableng pananalita at anumang hakbang na maaaring sumira sa kooperasyon at pagtutulungan ng dalawang bansa.

Samanatala, sa kabila ng isyung nagawa ng DOH, patuloy pa rin ang Tsina sa pagpapadala ng tulong para sa mga mamamayang Pilipino.

Tinanggap Sabado, ika-28 ng Marso, 2020 ng DOH ang 500,000 surgical mask na bigay ng Bank of China para tulungan ang mga medical team ng mga ospital at komunidad ng Pilipinas sa paglaban sa epidemiya ng COVID 19.

Ipinahayag ni Dr. Miko Amansec ng Bureau of International Health Cooperation (BIHC) ng DOH na napapanahon ang mga mask para sa paglaban ng Pilipinas sa COVID 19. Pinasalamatan din niya ang pagtulong ng Bank of China.

Sa kahon ng mga masks, nakalagay ang "Matibay ang walis, palibhasa'y magkabigkis" para ipakita ang pagsuporta at pagbati ng Bank of China sa Pilipinas.

Kaugnay nito, Marso 26, dumating ang ikatlong batch na tulong ng Tsina sa Pilipinas na kinabibilangan ng 200,000 N95 MASK, 100,000 SURGICAL MASK AT 2,000 THERMAL /INFRARED THERMOMETER, MULA SA LUNSOD GUANGZHOU, LALAWIGANG GUANGDONG NG TSINA, AT ANG MGA ITO AY IBINIGAY SA LUNSOD NG MAYNILA.

Noong Marso 25, isang video meeting ang idinaos sa pagitan ng mga doktor mula sa Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC) ng Pilipinas at First Affiliated Hospital of Medical School ng Zhejiang University ng Tsina, kung saan ibinahagi ng mga ekspertong Tsino ang kanilang mga kaalaman at karanasan sa pagpigil at pagkontrol, at paggamot sa COVID-19 sa mga doktor na Pilipino.

Noong Maso 21, dumating sa Pilipinas ang ikalawang batch ng donasyong medikal mula sa Tsina, na kinabibilangan ng 100,000 RT-PCR TYPE test kit (Sansure Biothechnology), 100,000 surgical mask, 10,000 N95 mask, at 10,000 set ng personal protective equipment (PPE).

* Noong Marso 16, dumating sa Pilipinas ang unang tulong ng Tsina na kinabibilangan ng 2,000 RT-PCR TYPE test kit na mula sa BGI.

SOURCE:

https://www.fmprc.gov.cn/ce/ceph/eng/sgdt/t1763183.htm

Wang Haili, Mamamahayag ng Filipino Service sa Pilipinas

https://filipino.cri.cn/301/2020/03/29/102s167008.htm

Sulat: Rhio Zablan, mamamahayag ng Filipino Service, China Media Group

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>