Sa virtual meeting ng mga ministo ng kalusugan ng Group of 20 (G20) nitong Linggo, Abril 19, 2020, pinasalamatan ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, Direktor Heneral ng World Health Organization (WHO) ang pangakong isinakatuparan ng mga lider ng G20 hinggil sa ibayo pang pagpapalakas ng papel ng WHO sa pagkokoordina ng mga pandaigdigang aksyong laban sa pandemiya.
Pinasalamatan din niya ang 500 milyong dolyares na pondong ibinigay ng Saudi Arabia.
Tinukoy ni Ghebreyesus na nahaharap ang lahat ng mga tao sa isang pandaigdigang krisis pangkalusugan, na walang katulad sa kasaysayan. Aniya, apektado ang lahat ng mga kasaping bansa ng G20, at nasa magkakaibang yugto ng pandemiya ang iba't ibang bansa.
Diin niya, ang novel coronavirus ay mabilis na kumakalat sa ilang bansang kulang sa kakayahan sa pagharap sa virus, at kailangang-kailangan nila ang pangkagipitang suporta sa mga aspektong gaya ng pagharap sa COVID-19 at paggarantiya sa iba pang pundamental na serbisyong pangkalusugan.
Salin: Vera