Kaugnay ng paulit-ulit na pagpapalaganap kamakailan ng opisyal na Amerikano ng bintang na sa Wuhan Institute of Virology galing ang novel coronavirus, ipinagdiinan nitong Lunes, Abril 20, 2020 ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang usapin ng pinanggalingan ng novel coronavirus ay isang siyentipikong isyu, at hindi dapat itong isapulitika.
Saad ni Geng, mahigpit ang regulasyon ng pangangasiwa sa Wuhan Institute of Virology, at walang empleyado doon ang nahawahan ng novel coronavirus.
Tinukoy ni Geng na sa kasalukuyan, malawakang ipinalalagay ng mga siyentipiko at dalubhasa ng World Health Organization (WHO) at karamihan ng mga bansang kinabibilangan ng Amerika na walang ebidensiya ang nagpapakitang ang nasabing laboratoryo ang pinanggalingan ng naturang virus.
Dagdag niya, walang anumang ebidensiya at katwiran ang bintang ng panig Amerikano. Umaasa aniya ang panig Tsino na igagalang ng ilang personaheng Amerikano ang katotohanan, siyensiya at international consensus.
Salin: Vera