Ipinahayag sa Beijing nitong Lunes, Abril 20, 2020 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa harap ng coronavirus, tulad ng iba pang mga apektadong bansa, nabiktima rin ang Tsina. Aniya, dapat malaman ng ilang politikong Amerikano na ang virus ang kanilang tunay na kalaban sa halip ng Tsina.
Ipinahayag kamakailan ni US President Donald Trump na nais nitong ipadala ang sariling mga imbestigador sa Tsina para suriin ang kalagayang epidemiko. Ipinahayag din niya na dapat isabalikat ng Tsina ang responsibilidad ng pagkalat ng epidemiya. Pinuna rin ng mambabatas ng Kongresong Amerikano ang Tsina sa pagliligaw sa World Health Organization (WHO) na nagbunsod ng kalagayang epidemiko sa buong daigdig.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng na noong taong 2009 sumiklab ang H1N1 flu sa Amerika na kumalat sa 214 na bansa't rehiyon at ikinamatay ng halos 200 libong tao; noong 2008 ay naganap ang krisis pinansyal sa Amerika na nauwi sa pandaigdigang krisis na pinansyal. Walang anumang panig nanawagan para hingin ang paumanhin mula sa Amerika at hilingin na akuin nito ang masamang resulta.
Dagdag pa niya, walang ibang pagpili kundi magkaisa at magtulungan ang komunidad ng daigdig para mapagtagumpayan ang virus. Ang pag-atake at pagdungis sa iba ay hindi makapagliligtas ng mga nakitil na mga buhay, ani Geng.
Salin: Lito