Sa eksklusibong panayam ng magasing "National Geographic" ng Amerika kamakailan, ipinahayag ni Anthony Fauci, pinakanamumukod na dalubhasa sa nakahahawang sakit at Direktor ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) ng Amerika, na walang siyentipikong ebidensya ang nagpapakitang nilikha ng isang laboratoryong Tsino ang novel coronavirus.
Samantala, pinabulaanan din ni Fauci ang pananalitang "ang virus ay natuklasan ng isang tao, pagkatapos ay dinala sa laboratoryo, at inilabas mula sa laboratoryo." Aniya, ang ganitong pananalita ay nangangahulugang mula sa kalikasan ang virus mula't sapul.
Sa tingin ni Fauci, hindi mawawala ang coronavirus, at mananatili ito. Ang pinakamalaking pagkabahala ay kung hindi mapapababa ng Amerika ang infection rate hanggang tag-init, posibleng maganap ang ika-2 round ng epidemiya sa tagsibol at taglamig.
Diin niya, ang atensyon ng Amerika ay dapat ituon sa pagpapalakas ng sistemang medikal at pangkalusugan ng bansa, upang maigarantiya ang suplay ng higaan sa ospital, ventilators at kagamitang pamproteksyon para sa mga doktor at nars. Ipinagdiinan din niya ang kahalagahan ng patuloy na pagpapanatili ng social distancing sa kasalukuyan.
Salin: Vera