|
||||||||
|
||
Sa kanyang panayam sa National Geographic nitong Lunes, ipinahayag ni Dr. Anthony Fauci, Direktor ng National Institute of Allergy and Infectious Diseases (NIAID) ng Amerika, na "walang siyentipikong ebidensiyang nagpapatunay na ang new coronavirus o SARS-CoV-2, ay gawa sa Wuhan Institute of Virology (WIV).
Direktang kontradiksyon ang pananalitang ito ni Fauci sa mga pahayag ni Pangulong Donald Trump ng Amerika tungkol sa di-umano ay nakita niyang "kapani-paniwalang ebidensiya" na nagpapatunay na ang coronavirus ay gawa sa WIV.
Pero, nang tanungin ng mga mamamahayag ang mga detalye ng di-umano'y "kapani-paniwalang ebidensiya," sinabi ni Trump na "I can't tell you that. I'm not allowed to tell you that."
Si Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika
Samantala, sa kanya namang panayam sa American Broadcasting Corporation (ABC) Linggo, May 5, 2020 sinabi ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika, na nakita niya ang "napakalaking ebidensiya" na sumusuporta sa teoryang ito ni Trump, pero, tulad ng kanyang amo, wala rin siyang ipinakitang patunay.
Si Dr. Anthony Fauci, Direktor ng NIAID ng Amerika
"Kung titingnan mo ang ebolusyon ng virus sa mga paniki at ang kumakalat na virus ngayon, malakas na kumikiling ang mga siyentipikong ebidensiya na hindi ito artipisyal o minanipula," mariing pahayag ni Dr. Fauci.
Isang kilala at eksperto sa nakakahawang sakit, binigyang-diin ni Dr. Fauci, na hindi rin siya naniniwala sa alternatibong teorya na nailabas ang virus mula sa WIV matapos itong makolekta mula sa kalikasan.
Aniya, malabo para sa kanyang pag-usapan pa ang alternatibong teoryang ito, dahil sa simula pa lamang, ang virus ay lumitaw mula sa kalikasan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi siya nag-aaksaya ng oras na magsalita sa walang papupuntahang argumentong ito.
Kaugnay nito, isang opisyal na pahayag ang inilabas ng direktor ng National Intelligence ng Amerika, at ayon dito, hindi sila naniniwala sa teoryang ginawa sa laboratoryo ang virus.
"Ang Komunidad ng Intelihensiya ay sumasang-ayon din sa malawakang siyentipikong konsenso na ang COVID-19 virus ay hindi gawa ng tao o genetically modified," saad ng pahayag.
Nang tanungin naman si Pompeo kung sang-ayon siya sa nasabing pananaw ng Komunidad ng Intelihensiya ng Amerika, sinabi niyang sang-ayon siya.
"That's right. I agree with that," sabi ni Pompeo.
Ayon pa rin sa mga may kinalamang ulat, naniniwala ang Five Eyes Network, alyansang buinubuo ng Britanya, Amerika, Australya, New Zealand at Kanada, na walang ebidensiyang makapagsasabi na ang coronavirus ay mula sa laboratoryo ng Tsina.
Hinggil dito, inilathala ng The Guardian, na ayon sa "15-page dossier" na isinapubliko ng Australian Daily Telegraph, "walang indikasyong ang pandemiya ay resulta ng paglabas ng virus mula sa laboratoryo.
Si General Mark Alexander Milley, pinakamataas na opisyal-militar ng Amerika
Dagdag pa sa mga ito, ipinahayag Martes ni General Mark Alexander Milley, pinakamataas na opisyal-militar ng Amerika, na base sa mga ebisensiya, ang virus ay mula sa kalikasan at hindi gawa ng tao o sinadyang ipakalat mula sa laboratoryo sa Wuhan.
"Ipinakikita ng bigat ng ebidensiya, na ang virus ay natural at hindi gawa ng tao," saad ni Milley.
Si Milley ay ang Chairman ng Joint Chiefs of Staff ng Amerika.
Sa kabilang dako, sinabi ni Fadela Chaib, Tagapagsalita ng World Health Organization (WHO) na ipinakikita ng lahat ng ebidensiya na ang virus ay nagmula sa hayop at hindi minanipula o ginawa sa laboratoryo.
Aniya pa, wala pang ibinabahaging ebidensiya ang Amerika sa WHO na nag-u-ugnay sa coronavirus sa WIV.
/Rhio Zablan//
SOURCE:
https://newsus.cgtn.com/news/2020-05-06/Dr-Fauci-dismisses-Wuhan-lab-as-COVID-19-source-contradicting-Trump-Qgf5ZWP5QI/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-05-05/Fauci-No-scientific-evidence-coronavirus-came-from-Chinese-lab-QeTues2pAQ/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-05-06/American-officials-defy-White-House-on-origins-of-the-coronavirus-QgugZiR5T2/index.html
v E-commerce ng Tsina, positibong oportunidad para sa mga produktong Pilipino 11-12 13:05 |
v Pagbubukas at pag-unlad ng distrito ng Pudong, Shanghai, maaaring matutunan ng Pilipinas – Embahador Jose Santiago Sta. Romana 11-11 16:19 |
v Xi Jinping: Pag-unlad ng Tsina at daigdig, hindi dapat paghiwalayin 11-10 21:12 |
v Xi Jinping, lubos na pinahahalagahan ang inklusibo at sustenableng pag-unlad 11-10 19:45 |
Louis Marquez: Shenzhen, magiging lider sa teknolohiya sa buong mundo; pamumuhay sa lunsod, isang biyaya-Mga Pinoy sa Tsina |
Bagong semestre, nagsimula; mga DIY na regalo mula sa mga mag-aaral, inihandog sa mga gurong Pilipino sa Shanghai |
Bong Antivola: 2020 CIFIT hudyat sa kahanga-hangang pagbangon ng Tsina sa gitna ng pandemiya; mamumuhunang Tsino malaki ang interes sa pakikipagkooperasyon sa Pilipinas |
Dandy Menor: 19 na taong paninirahan sa Shenzhen, di mapapantayan-Mga Pinoy sa Tsina |
More>> |
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |