Sa regular na preskon nitong Huwebes, Mayo 7, 2020, ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na umaasa ang panig Tsino na mapagtatagumpayan ng mga mamamayang Amerikano ang pandemiya sa lalong madaling panahon. Aniya, patuloy na ipagkakaloob ng Tsina, sa abot ng makakaya, ang suporta't tulong para sa paglaban sa pandemiya ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa na kinabibilangan ng mga Amerikano.
Nagbigay ng donasyon kamakailan ang People's Association for Friendship with Foreign Countries ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi ng Tsina ng 6,000 surgical masks at 4,000 pares ng surgical gloves sa American Flying Tiger Historical Organization. Natanggap na ng nasabing organisasyon ang donasyon ng panig Tsino, at ipinamigay na ang mga supplies sa mga miyembro, matatandang sundalo, kamag-anakan at kaibigan ng organisasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Hua na ang kuwento ng Flying Tiger ay halimbawa ng magkakapit-bisig na pagharap ng Tsina at Amerika sa hamon, ito rin ang simbolo ng pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Ang pagbibigay donasyon ng nasabing grupong Tsino sa naturang organisasyon ng mga kagamitang kontra pandemiya ay hindi lamang pagpapamana ng pagkakaibigang historikal ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi paggagantihan din sa ibinigay na suporta ng iba't ibang sirkulo ng lipunan ng Amerika nauna rito.
Ayon sa datos ng adwana ng Tsina, mula noong Marso 1 hanggang Mayo 5, ipinagkaloob ng Tsina sa Amerika ang lampas sa 6.6 bilyong maskara, 344 milyong pares ng surgical gloves, 4,409 kasuotang pamproteksyon, 6.75 milyong goggles, at halos 7,500 ventilators.
Salin: Vera