Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Hakbang ng Tsina sa muling pagsisimula sa ekonomiya, inaantabayan ng Pilipinas

(GMT+08:00) 2020-05-23 14:35:17       CRI

"Iyong paglagom sa mga natutunan ng Tsina kaugnay ng pagpuksa sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at kung paano muling sisimulan ang ekonomiya, ang mga [usaping] nag-iwan sa akin ng malalim na impresyon sa Government Work Report (GWR) na inilahad ni Premyer Li Keqiang."

Ito ang ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina sa eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino-China Media Group, ngayong araw, Mayo 23, 2020 sa Beijing.

Sinabi ni Sta. Romana, na bagamat hindi pa tapos ang laban, malaking pag-unlad ang natamo ng Tsina sa usapin ng pagpuksa sa COVID-19, at ito ay isang halimbawang maaaring sundan ng Pilipinas at buong mundo.

"Hindi pa tapos [ang laban], pero, ibinahagi ng Tsina ang isang halimbawa kung paano ito gawin," pahayag ng embahador.

Isa pang mahalagang usapin sa GWR ni Premyer Li, ani Sta. Romana ay kung paano muling sisimulan ang ekonomiya, habang iniiwasan ang muling pagkalat ng virus.

Aniya, may mga panukalang tulad ng tax cut, subsidiya, stimulus program, infrastructure investment at marami pang iba, pero ang pagbalanse sa pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan, pagkontrol sa muling pagkalat ng virus, at muling pagsisimula ng ekonomiya ay isang malaking hamon para sa Tsina, Pilipinas, at buong mundo.

Kaya naman napakahalaga ng mga susunod na hakbangin ng Tsina sa usaping ito, dahil ito ang magbibigay ng aral na puwedeng gawing padron ng Pilipinas sa sariling hakbangin sa pag-iwas sa muling pagkalat ng virus o second wave, at pagpapabalik sa trabaho sa mga mamamayan, diin ni Sta. Romana.

Dagdag niya, ang mga susunod na hakbang ng Tsina sa usaping ito ay inaantabayanan ng Pilipinas at buong mundo.

Idinaos Mayo 21 at 22, 2020 sa Beijing ang pagbubukas ng pinakamalaking taunang politikal na kaganapan sa Tsina - ang Dalawang Sesyon o Liang Hui.

Dito pinag-uusapan ang mahahalagang isyu at isinasabatas ang mga priyoridad na panukalang magdidikta sa direksyong tatahakin ng pag-unlad ng bansa para kasalukuyang taon.

Sa gitna ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), ang pagdaraos ng Dalawang Sesyon ay isang pagpapadama sa tagumpay ng Tsina sa pagkontrol at pagpuksa sa naturang sakit, kasabay ng pag-abot sa mga itinakdang ekonomikong target.

Kadalasang idinaraos ang Dalawaang Sesyon sa unang dako ng Marso kada taon, pero dahil sa COVID-19, ini-urong ang pagdaraos ng pulong.

Ang Pulong ay tinatawag na "Dalawang Sesyon" dahil ito ay binubuo ng dalawang paggtitipon: ang pagtitipon ng National People's Congress (NPC), Pinakamataas na Lehislatura ng Tsina; at pagtitipon ng Chinese People's Political Consultative Conference (CPPCC), Pinakamataas na Politikal na Tagapayong Kapulungan ng bansa.

Ang CPPCC ay binubuo ng mga representante mula sa ibat-ibang sektor ng Tsina, at sila ang kumukuha sa pulso ng taumbayan hinggil sa mga isyung panlipunan, pang-ekonomiya at pampolitika na mahalaga at nakaka-apekto sa buhay at kaligtasan ng mga mamamayan.

Pagdedebatehan nila ang mga isyung ito at gagawing mga panukala upang isumite sa NPC.

Sa kabilang dako, ang NPC ang siya namang gumagawa ng batas - maihahalintulad ito sa Kamara De Representantes at Senado ng Pilipinas.

Ang mga panukalang mula sa CPPCC ay muling pag-u-usapan sa sesyon ng NPC, at kung magkakaroon ng sapat na pagkakaisa, ang mga ito ay isasabatas, at isusumite sa pangulo ng bansa para sa pag-apruba.

Ulat: Rhio
Web Editor: Lito
Photo & Video: Wang Zixin

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>