|
||||||||
|
||
Ang Tsina ang may pinakamalawak na karanasan sa paglaban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-9), at sa pamamagitan ng grupo ng ekspertong medikal na ipinadala nila sa Pilipinas, naibahagi ang karanasang ito.
Ito ang sinabi ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina sa kanyang eksklusibong panayam kamakailan sa Serbisyo Filipino-China Media Group (SF-CMG).
"Nagkaroon ng mga seminar, workshop, at pagpapalitan ng karanasan sa pagitan ng mga espesyalistang Tsino at counterpart na Pilipino, kaya malaking tulong ang naibigay nito," dagdag ni Sta. Romana.
Aniya, sa pamamagitan ng mga makabuluhang payo, napataas ang kompiyansa ng mga espesyalistang Pilipino sa panggagamot at paglaban sa epidemiya.
Bukod pa riyan, dala ring dumating sa Pilipinas ng grupo ng ekspertong medikal ng Tsina ang mga kagamitang panlaban sa COVID-19, gaya ng surgical masks, N95 masks, personal protective equipment, goggles, at fast test kits.
"Ang mga payong ibinahagi ng mga ekspertong Tsino ay nagresulta sa pagsasagawa ng mga epektibong hakbang sa panggagamot, tulad ng pagtatayo ng mas maraming lugar pangkuwarentina at paglalagay ng mas maraming higaan sa ospital, upang maibukod ang mga nagkaroon ng kontak sa mga kumpirmadong kaso, pinaghihinalaang kaso, may banayad na kaso, at nasa grabeng kondisyon," saad ni Sta. Romana.
Isa pang mahalagang resultang naibigay ng grupo ng ekspertong medikal ng Tsina, anang embahador ay ang pagtaas ng kamalayan sa pagkakaroon ng pinalawak na pagsusuri at paghahanap sa mga posibleng nahawan.
Sa pamamagitan ng lahat ng ito, napataas ang kakayahan ng mga Pilipinong doktor sa panggagamot, pagsasalba ng buhay, at pagkontrol sa lalo pang paglala ng epidemiya sa Pilipinas, diin ng embahador.
Sa kabilang dako, sinabi rin ni Sta. Romana, na nakita at natutunan din ng mga ekspertong Tsino ang mga epektibong kagawian ng mga Pilipinong doktor sa paggamit ng mga halamang-gamot sa paglaban sa COVID-19, at dahil dito nakapagbigay ng payo ang mga espesyalistang Tsino kung paano pagsasamahin ang modernong medisina sa tradisyonal na medisinang Tsino at tradisyonal na medisinang Pilipino.
Pagdating naman sa ibinigay na kagamitang medikal ng pamahalaang Tsino sa Pilipinas, sinabi ng embahador na maraming koordinasyon ang pinagdaanan bago mapadala ang mga ito, kaya naman malaking pasasalamat ang ipinahayag niya sa Tsina.
Bukod sa donasyon ng pamahalaang Tsino, napakarami ring pribadong institusyon, at lokal na pamahalaan ng Tsina ang nagpadala ng tulong medikal sa Pilipinas.
Ang pinakabagong batch na donasyon ng pamahalaan Tsino ay dumating sa Pilipinas noong Mayo 10, 2020, at kabilang dito ang: 100 ventilators, 150,000 testing kits, 70,000 medical protective suits, 70,000 N95 medical masks, 1.3 million surgical mask at 70,000 medical protective goggles.
Bukod sa mga donasyon, bumili rin ng iba pang kagamitang medikal ang Pilipinas sa Tsina, kaya naman, maraming mga eroplano ang Pilipinas na lumipad patungong Tsina upang kunin ang mga ito.
"Sa Xiamen lamang ay nagkaroong ng 35 sorties ang mga eroplanong C-130 ng Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas nitong nakalipas na 2 hanggang 3 buwan upang sunduin ang mga suplay na ito," ani Sta. Romana.
Bukod dito, ini-charter din aniya ng ibat-ibang pribadong kompanyang Pilipino at Philippine Red Cross ang mga komersyal na eroplano papunta sa mga lunsod ng Tsina na gaya ng Shenzhen, Changsha, at Shanghai para sa parehong dahilan.
"Ito ay parang isang tulay sa himpapawid," ani Sta. Romana.
Aniya, ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina laban sa COVID-19 ay tunay na napakahalaga, at ito ay isa nang esensiyal na bahagi ng estratehiya ng Pilipinas upang mapagtagumpayan ang pandemiyang ito.
Sa pamamagitan ng pagtutulungang ito, nagkaroon ng akses ang Pilipinas sa mga kinakailangang mga kagamitang panlaban sa COVID-19, na tulad ng personal protective equipment, ventilators, surgical masks, N95 masks, fast test kits, goggles at marami pang iba, dagdag pa ng embahador.
Ulat: Rhio
Web Editor: Lito
Photo: Wang Zixin
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |