Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

National Security Legislation ng Hong Kong, muling sinuri ng NPC: bagong panukalang amiyenda sa Criminal Law, Export Law, at Data Security Law, pinag-diskusyunan

(GMT+08:00) 2020-06-30 16:52:38       CRI

Beijing, Martes, Hunyo 30, 2020 - Ilang panukalang batas, na kinabibilangan ng National Security Legislation ng Hong Kong ang sinuri at pinagdebatehan, Linggo, Hunyo 28, 2020 sa pagbubukas ng sesyon ng Standing Committee ng Ika-13 National People's Congress (NPC), pinakamataas na lehislatura ng Tsina.

Sinabi ni Li Zhanshu, Tagapangulo ng NPC Standing Committee, na ang naturang lehislasyon hinggil sa Hong Kong ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapabuti ng prinsipyong "One Country, Two Systems," at matibay na pundasyon sa paggarantiya sa istabilidad at pangmatagalang kasaganaan ng Hong Kong.

Sa lebel ng group committee, pinakinggan at pinagdiskusyunan ng mga mambabatas ang mga panukalang amiyenda hinggil sa National Security Legislation ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) na inilahad ni Shen Chunyao, Direktor ng Legislatve Affairs Commission ng NPC Standing Committee.

Ito ang ikalawang beses nang pagtitipon ng mga mambabatas upang pag-usapan ang naturang panukalang simula nang maisumite ito noong nakaraang linggo.

Matapos ang diskusyon, napagdesisyunang isumite ang mga napagkaisahang panukalang amiyenda sa NPC Standing Committee para sa deliberasyon.

Hinggil dito, sinabi ni Carrie Lam, Punong Ehekutibo ng HKSAR na ipinagkakaloob ng kanyang administrasyon ang kumpletong suporta sa lehislasyon.

Patuloy aniyang gagampanan ng HKSAR ang tungkulin nito upang epektibong maipatupad ang mga may-kinalamang batas ng Hong Kong.

Dagdag pa niya, ang National Security Legislation ng Hong Kong ay hindi magsasapanganib sa legal at kapitalistang sistema ng rehiyon.

Ayon naman sa pahayag na inilabas ng NPC, naniniwala ang mga mambabatas na ang ikalawang pagsusuri ay tuluyang nagpapakita sa mga opinyon at mithiin ng mga mamamayang Tsino, na kinabibilangan ng mga taga-Hongkong.

Ayon pa sa mga mambabatas, ang maagang promulgasyon at implementasyon ng nasabing batas ay magreresolba sa mga butas pambatas at institusyonal na kakulangan sa pagsasanggalang sa pambansang seguridad.

Sa ilalim panukalang batas, kapag ang mga lokal na batas ng HKSAR ay may di-pagkakasundo sa National Security Legislation ng Hong Kong, ang mga probisyon ng panukalang lehislasyong ito ang susundin, at ang NPC Standing Committee ang siyang tanging may kapangyarihang mag-interpret ng batas.

Samantala, may 5 prinsipyong sinusunod ang panukalang National Security Legislation ng Hong Kong, na kinabibilangan ng matibay na pagsasanggalang sa pambansang seguridad, pagpapanatili at lalo pang pagsasa-ayos ng prinsipyong "One Country, Two Systems," pamamahala sa Hong Kong ayon sa batas, matatag na pagtutol sa pakikialam ng mga banyaga, at epektibong pangangalaga sa lehitimong karapatan at interes ng mga taga-Hong Kong.

Bukod pa riyan kabilang sa mga pinakamahalagang katangian ng panukalang batas ay:

* Maliwanag nitong ipinakikita ang pundamental na responsibilidad ng Central People's Government sa mga usapin sa pambansang katiwasayan at konstitusyonal na responsibilidad ng HKSAR sa pangangalaga ng pambansang seguridad.

* Maliwanag nitong ipinakikita ang mahalagang prinsipyong pambatas na kailangang sundin ng HKSAR upang mapangalagaan ang pambansang seguridad, na kinabibilangan ng pangangalaga sa karapatang pantao.

* Maliwanag nitong ipinakikita na kailangang itatag at pabutihin ng HKSAR ang mga may-kinalamang institusyon upang mapangalagaan ang pambansang seguridad.

Kaugnay nito, isang komite sa pambansang seguridad ang itatatag sa HKSAR, na siyang mangangalaga sa pambansang kaayusan sa rehiyon, at nasa ilalim ng direktang superbisyon ng Central People's Government.

Ang nasabing komite ay pamumunuan ng punong ehekutibo ng Hong Kong.

* Malinaw nitong ipinakikita ang 4 na krimen laban sa pambansang katiwasayan at mga karampatang kaparusahang kinabibilangan ng: sesesyon, subersyon ng kapangyarihang pang-estado, teroristikong aktibidad, at pakikipagtulungan sa mga dayuhan at iba pang panlabas na puwersang nagsasapanganib sa pambansang kaayusan.

* Maliwanag nitong ipinakikita na itatatag ng Central People's Government ang tanggapan ng pambansang seguridad sa HKSAR, na siyang magiging mekanismong makikipagkoordina sa komite sa pambansang seguridad ng HKSAR, at magsusuperbisa sa tungkulin ng pagpapanatili ng pambansang katiwasayan sa rehiyon.

Mga panukalang amiyenda sa iba pang mga panukalang batas

Maliban sa National Security Legislation ng Hong Kong, kasama ring pinagdiskusyunan sa naturang sesyon ng NPC Standing Committee ang mga bagong panukalang amiyenda na may kaugnayan sa Criminal Law, Export Law, at Data Security Law.

Ang mga panukalang amiyenda sa Criminal Law ay kinabibilangan ng update sa 6 na malalaking larangan, tulad ng 30 rebisyon o bagong probisyong nakatutok sa pagpapalakas ng parusa sa mga krimen sa lugar ng trabaho, pagpapalakas ng parusa sa mga ilegal na gawaing may kaugnayan sa pagkain at gamot, pagpapalakas ng parusa sa mga krimeng pampinansiya, pagpapalakas ng legal na proteksyon para sa mga ari-arian ng mga korporasyon, at pagpapalakas ng legal na proteksyon para sa pampublikong kalusugan.

Ayon pa rito, ang sinumang gagawa ng insulto o di-karapat-dapat na pananalita sa mga bayani at martir ng bansa ay mahaharap sa kriminal na sangsyon.

Ang mga kaparusahan ay ipapataw depende sa lebel ng paglabag at kung ito ay nagbunsod ng negatibong epekto sa interes pampubliko.

Nasasaad din dito, na ang pinakamataas na kaparusahan ay maaaring umabot sa 3 taong pagkabilanggo, at regulasyon o pag-aalis ng politikal na karapatan.

Samantala, sa Export Law, ang mga istipulasyon sa intermediary services para sa mga produktong napapailalim sa usapin ng pagluluwas ay pagdidikusyunan sa Ika-20 Sesyon ng NPC Standing Committee ng Ika-13 National People's Congress, na tatagal hanggang ngayong araw.

Pero, ayon sa mga isinumiteng panukalang amiyenda sa larangang ito, walang organisasyon o indibiduwal ang maaaring magbigay ng serbisyo ng ahensiya, freight transport, delivery, customs declaration, third-party e-commerce trading platform, o pinansiyal na serbisyo sa mga tagapagluwas na sangkot sa paglabag sa batas.

Anito pa, papatawan ng mabigat na multa at kukumpiskahin ang ilegal na kita ng sinumang mahuhuling nangangahas na maging intermediary service provider para sa mga tagapagluwas na sangkot sa ilegal na aktibidad.

Sa kabilang dako, ang mga bagong panukalang amiyenda hinggil sa Data Security Law ay kinabibilangan ng mga hakbang para pataasin ang kasiguruhan ng national data security, at bigyan ito ng epektibong kakayahan upang rumesponde sa mga panganib at hamon ng kasalukuyang panahon.

Dagdag pa nito, patataasin ang suporta sa pagpo-promote ng seguridad at pagdedebelop ng data, pag-iibayuhin ang pamamahala sa seguridad at paggamit ng data, at isusulong ang pagdedebelop ng digital economy.

Ang mga legal na karapatan at interes ng mga mamamayan at organisasyon ay poproteksyunan at ang mga pinanggagalingan ng data na may kaugnayan sa usaping pampamahalaan ay bubuksan para sa pagdedebelop at paggamit, ayon pa sa panukalang amiyenda.

Source:

1. https://news.cgtn.com/news/2020-06-28/China-drafts-law-on-protecting-reputation-of-heroes-martyrs-RGxHn6GUvK/index.html

2. https://news.cgtn.com/news/2020-06-20/China-s-top-legislature-reviews-draft-HK-national-security-law-RtLvqSZkhq/index.html

Ulat: Rhio Zablan

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>