Bilang tugon sa isang ulat tungkol kay Meng Wanzhou, Chief Financial Officer ng Huawei Company na inilabas kamakailan ng hukuman ng Canada, ipinahayag sa Beijing nitong Lunes, Hunyo 15, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang kaukulang ulat ay muling nagpapakitang walang duda na isang lubos na insidenteng pulitikal ang pagkabilanggo ni Meng. Lubos nitong inilantad ang tangkang pulitikal ng Amerika na pigilan at sirain ang mga Chinese high-tech company at Huawei Company. Ang Canada, aniya, ay kasabwat ng panig Amerikano.
Ayon sa nasabing dokumento, ipinagbigay-alam ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika sa Canadian Security Intelligence Service (CSIS) ang tungkol sa plano ng pag-aresto kay Meng sa Vancouver International Airport sa unang araw ng Disyembre, 2018. Tinukoy ng dokumentong ito na hindi lalahok ang FBI sa nasabing pag-aresto upang maiwasang magkaroon ng perception of influence o pagpapalagay ng ibang panig sa impluwensya ng panig Amerikano.
Dagdag ni Zhao, buong tatag at hindi nagbabago ang determinasyon ng pamahalaang Tsino sa pangangalaga sa makatwiran at lehitimong karapatan at kapakanan ng mga mamamayan at bahay-kalakal nito. Muli aniyang hinihimok ng panig Tsino ang panig Kanadyano na mataimtim na pakitunguhan ang solemnang posisyon at pagkabahala ng panig Tsino at agarang palayain si Meng para maligtas siyang makauwi.
Salin: Lito