Noong Hulyo 31, 2020, isinagawa ng Kagawaran ng Estado at Kagawaran ng Tesorarya ng Amerika ang sangsyon laban sa Xinjiang Production and Construction Corps (XPCC) at dalawang opisyal.
Kaugnay nito, ipinahayag sa Beijing nitong Lunes, Agosto 3, 2020 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang nasabing kilos ng panig Amerikano ay matinding panghihimasok sa suliraning panloob ng Tsina, at labis na lumalabag sa pundamental na norma ng relasyong pandaigdig. Aniya, buong tinding tinututulan at mariing kinokondena ito ng panig Tsino.
Sinabi ni Wang na ang isyu ng Xinjiang ay isyu ng paglaban sa terorismo at separatismo sa halip ng isyu ng karapatang pantao, nasyonalidad, at relihiyon.
Aniya, ang mga suliranin ng Xinjiang ay ganap na suliraning panloob ng Tsina, at walang anumang karapatan at kuwalipikasyon ang panig Amerikano sa panghihimasok dito. Hinihimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na agarang pawalang-bisa ang kaukulang maling kapasiyahan nito, dagdag pa niya.
Salin: Lito