Sinabi nitong Biyernes, Agosto 21, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na dadalo si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-3 Pulong ng mga Lider ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC). Aniya, gaganapin ang nasabing pulong sa pamamagitan ng video link.
Ayon kay Zhao, magkasamang mangungulo sa pulong sina Li at Punong Ministro Thongloun Sisoulith ng Laos, LMC Co-Chair. Bukod dito, dadalo sa pulong sina Punong Ministro Hun Sen ng Cambodia, Pangulong Win Myint ng Myanmar, Punong Ministro Prayuth Chan-ocha ng Thailand, at Punong Ministro Nguyen Xuan Phuc ng Biyetnam.
Ani Zhao, lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang nasabing pulong. Babalik-tanawin ni Premyer Li, kasama ng mga lider ng ibang mga bansa, ang bunga ng kanilang kooperasyon, lalagumin ang karanasan ng kooperasyon, at komprehensibong pagpaplanuhan ang kanilang kooperasyon sa hinaharap, partikular na sa mga mahalagang larangang pangkooperasyong gaya ng yamang-tubig, konektibidad, at pampublikong kalusugan. Layon nitong mapadami ang benepisyo sa kanilang mga mamamayan, at mapasulong ang kapayapaan, katatagan, at kasaganaang panrehiyon, dagdag pa niya.
Salin: Lito