Sinabi nitong Huwebes, Agosto 27, 2020 ni Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na sa kasalukuyan, nahaharap ang relasyong Sino-Amerikano sa napakatindi't napakasalimuot na kalagayan sapul nang itatag ito. Hindi sasayaw aniya ang panig Tsino sa tugtog ng Amerika, at hindi rin papayagan ang mapusok na kilos ng panig Amerikano.
Diin ni Wu, tinututulan at hindi natatakot ang Tsina sa walang humpay na probokasyon ng Amerika.
Saad ni Wu, bago ang halalang pampanguluhan ng Amerika, batay sa kapakanang personal, tikis na sinisira ng ilang politikong Amerikano ang relasyon ng Tsina at Amerika at dalawang hukbo, higit sa lahat, nagtangka silang lumikha ng aksidente at alitang militar. Ang ganitong kilos ay nagbulag-bulagan sa halaga ng buhay at seguridad ng mga sundalo ng kapuwa panig, pundamental na kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, at komong hangarin ng mga mamamayan ng buong mundo sa kapayapaan. Ito ay taliwas sa mithiin ng mga mamamayan, dagdag niya.
Inulit ni Wu na buong tatag na pangangalagaan ng hukbong Tsino ang soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran ng bansa, at pangangalagaan din ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon at daigdig.
Hinimok aniya ng panig Tsino ang ilang politikong Amerikano na unawain ang katotohanan, itigil ang probokasyon, at pasulungin ang relasyon ng dalawang bansa at dalawang hukbo sa tumpak na landas.
Salin: Vera