Muling pinuna nitong Lunes, Agosto 31, 2020 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang bintang ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, na umano'y Tsina ang may kagagawan sa halos 30% plastic pollution ng daigdig. Tinukoy niyang dapat suriin ni Pompeo ang sarili, at tunungin kung bakit tumalikod ang Amerika sa Paris Agreement.
Saad ni Zhao, lubos na pinahahalagahan ng pamahalaang Tsino ang pangangalaga sa kapaligiran, at inilakip sa pangkalahatang plano ng usapin ng sosyalismong may katangiang Tsino ang konstruksyon ng sibilisasyong ekolohikal. Kapansin-pansin ang natamong bunga ng Tsina sa aspektong ito.
Samantala, mataimtim na isinasabalikat ng Tsina ang mga obligasyon ng mga kombensyong gaya ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), Paris Agreement, Basel Convention, Minamata Convention on Mercury at iba pa, at ginawa ang positibong ambag para sa pagsasaayos ng kapaligirang pandaigdig.
Tinukoy niyang bilang bansang may pinakamalaking emisyon ng greenhouse gas sa daigdig, hindi inaprobahan ng Amerika ang Kyoto Protocol, tinalikuran ang Paris Agreement, pinabayaan ang sariling tungkulin sa restriktibong pagbabawas ng emisyon, at lumabas sa pandaigdigang sistema ng pagbuga ng karbon, bagay na grabeng humadlang sa kaukulang proseso ng pagbabawas sa emisyon at pagpapasulong sa berde't low-carbon na pag-unlad ng daigdig.
Salin: Vera