Ayon sa pahayag na inilabas kamakailan ng Tagapagsalita ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos, ipinaalam ng Ministring Panlabas ng Tsina sa Embahada ng Amerika sa Tsina na hindi na papayagang magkaroon ng bagong press card ang mga Amerikanong mamamahayag sa Tsina, at ito ay katugong reaksyon sa kaukulang kilos ng panig Amerikano.
Kaugnay nito, sinabi nitong Lunes, Setyembre 7, 2020 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na hindi totoo ang pananalita ng nasabing Tagapagsalitang Amerikano. Sa katunayan, ang ganitong pananalita ay pagbunton ng sisi sa Tsina.
Tinukoy ni Zhao na pinoproseso ngayon ang press card renewals ng mga Amerikanong mamamahayag na kinabibilangan ng mga kawani ng Cable News Network (CNN), at bago pa man makuha ang bagong press card, hindi naapektuhan ang kanilang pagkokober ng balita at maging ang pamumuhay sa Tsina. Pormal na ipinaalam ito ng panig Tsino sa panig Amerikano.
Dagdag ni Zhao, nitong nakalipas na ilang panahon, walang humpay na pinaigting ng Amerika ang panggigipit na pulitikal sa mga mediang Tsino. Muling hinimok niya ang panig Amerikano na gawin ang reaksyon sa normal at makatwirang kahilingan ng panig Tsino sa lalong madaling panahon, lalong lalo na, tratuhin sa normal na paraan ang pagproseso ng press card renewals ng lahat ng mga mamamahayag na Tsino. Kung tikis na tatahak ang panig Amerikano sa maling landas, sapilitang gagawin lamang ng Tsina ang kinakailangang legal na reaksyon, upang mapangalagaan ang sariling lehitimong karapatan at kapakanan.
Salin: Vera