Sinabi nitong Huwebes, Setyembre 10, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang gaganaping virtual meeting ng mga lider ng Tsina, Alemanya at Unyong Europeo (EU) sa Setyembre 14 ay isang mahalagang pagtatagpo sa pagitan ng Tsina at Europa. Malalimang magpapalitan ang mga lider ng tatlong panig ng kuru-kuro tungkol sa relasyong Sino-Europeo at mga isyung pareho nilang pinahahalagahan.
Tinukoy ni Zhao na ang kasalukuyang taon ay ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at EU, at nahaharap sa mahalagang pagkakataon ang pag-unlad ng relasyong Sino-Europeo.
Aniya, umaasa ang panig Tsino na sa pamamagitan ng gaganaping pagtatagpo, ibayo pang ipapadala ang positibong signal ng pagpupunyagi ng Tsina at Europa sa pagpapalakas ng pag-uugnayan at pagtutulungan, magkasamang pagtatanggol sa multilateralismo at malayang kalakalan, at pangangalaga sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng mundo, at patitingkarin ang kompiyansa at lakas-panulak para sa kabuhayang pandaigdig sa post pandemic era.
Salin: Vera