|
||||||||
|
||
Beijing — Sa pamamagitan ng video link, nagtagpo nitong Lunes ng gabi, Setyembre 14, 2020 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Chancellor Angela Merkel ng Alemanya — kasalukuyang bansang tagapangulo ng Unyong Europeo (EU), Presidente Charles Michel ng Konsehong Europeo, at Presidente Ursula von der Leyen ng EU Commission.
Malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang mga lider na Tsino at Europeo tungkol sa relasyong Sino-Europeo, at pinagplanuhan ang direksyon ng kanilang relasyon sa susunod na yugto.
Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na palakasin ang pagkokoordinahan, pagsasanggunian, at pagtutulungan para maigarantiya ang pagtatamo ng tagumpay sa isang serye ng mahalagang agendang pulitikal ng Tsina at Europa sa hinaharap, mapalalim ang pagtitiwalaan, maisakatuparan ang pagkakaroon ng mutuwal na kapakinabangan at win-win result, mapangalagaan ang multilateralismo, magkakasamang harapin ang hamong pandaigdig, at mapasulong pa ang relasyong Sino-Europeo.
Lumagda ang dalawang panig sa China-EU Agreement on Geographical Indications (GI) kung saan natiyak ang pagpapabilis ng talastasang Sino-Europeo sa kasunduang pampamumuhunan para matapos ang talastasang ito sa loob ng kasalukuyang taon.
Bukod dito, ipinasiya ng Tsina at Europa na magkaroon ng diyalogo sa mataas na antas hinggil sa kapaligiran at klima, at ang diyalogo sa mataas na antas sa larangang digital upang maitatag ang berde at digital partnership ng dalawang panig.
Tinukoy ni Pangulong Xi na bilang dalawang malaking puwersa, merkado, at sibilisasyon sa daigdig, dapat matatag na pasulungin ng Tsina at Europa ang malusog at matatag na pag-unlad ng kanilang komprehensibo't estratehikong partnership upang makapagbigay ng mas maraming lakas sa pakikibaka ng komunidad ng daigdig laban sa pandemiya ng COVID-19, pagpapanumbalik ng kabuhayan, at pangangalaga sa katarungan.
Diin niya, dapat igiit ng Tsina at Europa ang 4 na punto na kinabibilangan ng una, dapat igiit ang mapayapang pakikipamuhayan; ikalawa, dapat igiit ang pagbubukas at kooperasyon; ikatlo, dapat igiit ang multilateralismo; ikaapat, dapat igiit ang diyalogo at pagsasanggunian.
Inilahad ni Xi ang posisyon at paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng Hong Kong at Xinjiang. Aniya, mariing tinututulan ng panig Tsino ang panggugulo ng sinuman at anumang puwersa sa Tsina. Buong tatag na tinututulan ng Tsina ang panghihimasok ng anumang bansa sa suliraning panloob ng Tsina, diin pa niya.
Kaugnay naman ng isyu ng karapatang pantao, sinabi ni Xi na hindi tinatanggap ng panig Tsino ang umano'y pagmamando bilang "guro" sa karapatang pantao, at tinututulan ang pagsasagawa ng "double standards" sa larangang ito. Nakahanda ang panig Tsino na sa prinsipyo ng paggagalangan sa isa't-isa, palakasin ang pakikipagpalitan sa panig Europeo sa larangan ng karapatang pantao, ani Xi.
Ipinahayag naman ng panig Europeo na ang Tsina ay mahalagang estratehikong katuwang ng Europa.
Anila, sa kasalukuyang daigdig, kailangang palakasin ng Europa at Tsina ang pagkakaisa at pagtutulungan upang magkakasamang mapangalagaan ang multilateralismo, tutulan ang unilateralismo at proteksyonismo, at mas mabisang harapin ang iba't-ibang uri ng hamong pandaigdig. Ito anila ay angkop sa komong kapakanan ng Europa at Tsina, at komunidad ng daigdig.
Bukod dito, malaliman ding nagpalitan ng kuru-kuro ang mga lider na Tsino at Europeo tungkol sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na gaya ng isyu ng Afghanistan at isyung nuklear ng Iran.
Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na palakasin ang pagkokoordinahan at pagsasanggunian para magkakasamang mapangalagaan ang seguridad at katatagang panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |