|
||||||||
|
||
Ing pale, yapin ing bie!
Ito ay wikang Kapampangan na nangangahulugang,"ang palay ay buhay."
Mga simpleng kataga, ngunit naglalaman ng mabigat na kahulugan, lalo na ngayong nailalagay sa peligro ang suplay ng pagkain ng mundo, dahil sa pananalasa ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Ang palay ay ang pangunahing pagkaing-butil ng Pilipinas, Tsina, at karamihan sa mga bansa sa Asya.
Magmula noong sinaunang panahon, ito ay may napakahalagang katayuan sa pagpapaunlad ng mga industriya, pag-usbong ng kultura, at higit sa lahat, nagpapakain sa mahigit kalahati ng populasyon ng daigdig.
Kaugnay nito, magkasamang itinayo ng Pilipinas at Tsina ang Philippine-Sino Center for Agricultural Technology (PhilSCAT), noong taong 2000 sa Nueva Ecija..
Isa sa mga layon nito ang pagkakaroon ng sustenable at sapat na bigas para sa Pilipinas, sa pamamagitan ng pagdedebelop, pagsusuri at pagpo-prodyus ng may-mataas na aning hybrid na palay.
Ito ay magkabalikat na pinatatakbo ng Pilipinas at Tsina: sa bahagi ng Pilipinas, ang implementing agency ay Department of Agriculture (DA) at Central Luzon State University (CLSU), samantalang sa bahagi naman ng Tsina ay ang Yuan Longping High-tech Agriculture Co. Ltd, kompanyang ipinangalan kay Ginoong Yuan Longping, kinikilala bilang Ama ng Hybrid na Palay.
Kasabay ng pagsasaliksik at pagdedebelop ng mga punla ng hybrid na palay na akma para sa Pilipinas, ang mga ekspertong Tsino sa PhilSCAT ay tumutulong sa pagtatayo ng mga techno-demo farm, na may sapat na kagamitan na gaya ng pataba, punla, at pestisidyo.
Bukod pa riyan, kasama rin sila sa implementasyon ng ibat-ibang teknikal na programang pangkooperasyon.
Noong 2018, inilunsad ang Phase III ng Philippine-Sino Center for Agricultural Technology-Technical Cooperation Program (PhilSCAT-TCP III), at ayon sa Department of Finance (DoF), inilaan ng Tsina ang halagang 27.52 milyong yuan ($3.93 milyong dolyar) na grant para rito.
Sa pahayag kamakailan ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, sinabi niyang malaking progreso ang nakamtan ng PhilSCAT-TCP III at maagang nakumpleto ang on-site technological training ng 1,334 na magsasaska hinggil sa pagpupunla ng hybrid na palay, pagpapayabong at mekanikal na paglilipat-tanim, at iba pang aktibidad na gaya ng Farmer Fields Days.
Maliban diyan, itinayo rin ng PhilSCAT-TCP III ang mga techno-demo farm na may kabuuang lawak na 34 ektarya sa Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija at Davao Oriental, at sa mga ito pinayabong ang limang uri ng hybrid na palay, na nagtamo ng 20 porsiyentong mas mataas na ani kumpara sa mga lokal na uri.
Sa ngayon, ang PhilSCAT-TCP III ay nakagawa na ng pangkalahatang 18,000 ektarya ng hybrid na palay, nagpataas ng 21,000 tonelada sa ani ng mga magsasaka, at nagbigay ng benepisyo sa mahigit 9,370 magsasakang pamilya.
Hybrid na palay, susi sa magandang buhay
Sina Danilo Zablan at Freddie Punzalan ay dalawa sa mga magsasaka sa Caluluan, Concepcion, Tarlac, na pinalad magkaroon ng kaalaman at karanasan sa pagtatanim ng hybrid na palay.
Sa panayam sa China Media Group-Filipino Service (CMG-FS), sinabi nilang malaki ang pakinabang sa hybrid na palay, at sa pamamagitan ng mga binhing XL 8, XL Diamond, at Agenta, ang isang magsasaka ay maaaring maka-ani ng mahigit 200 kaban ng palay kada ektarya.
Ito anila ay mahigit sa doble ng ina-aning palay kada ektarya noong nakalipas na panahon.
Kaya naman, unti-unti anilang dumarami ang mga magsasakang nagtatanim ng hybrid na palay sa kanilang lokalidad.
Saad naman ni Zablan, ito ay napakalaking pag-unlad sa produktibidad ng pagsasaka at substansyal na mag-aangat sa buhay ng mga magsasaka at lipunan.
Samantala, ipinahayag ni Bernardo Valdez, Provincial Agriculturist ng Nueva Ecija, na sa pamamagitan ng hybrid na palay, maaabot ng maraming magsasaka ng lalawigan ang 300 kabang ani kada ektarya.
Hinggil dito, idinaos kamakailan sa Nueva Ecija ang proyektong "Hari ng Ani," isang kompetisyon sa paramihan ng ani.
Dito ay nagwagi si Emmanuel Soleta, dahil sa kanyang inaning 300 kabang palay kada ektarya gamit ang US-88 (uri ng hybrid na palay).
Sinabi ni Carlos Saplala, Presidente ng SeedWorks (kompanyang nagpoprodyus ng hybrid na palay at tagapag-organisa ng nasabing kompetisyon), ang pagtatanim ng US-88, kasabay ng paggamit ng makabagong teknika sa pagsasaka ay nagdala ng mabuting ani.
Umaasa aniya siyang, ito ay magiging inspirasyon sa iba pang Pilipinong magsasaka upang lalo pang magpunyagi at pag-aralan ang mabubuting halimbawang nagdulot ng mabuting resulta.
Sa kabilang dako, kasabay ng paggamit ng hybrid na palay ang pagbabago tungo sa mas mekanisadong paraan ng pagsasaka.
Tungkol dito, sinabi ni Zablan na ibang-iba ang paraan ng pagsasasaka ng hybrid na palay, dahil sa simula pa lamang ay kailangan nang gumamit ng makina sa pagtatanim (seeder machine).
Kada linggo ay nararapat din aniyang gumamit ng makinang kung tawagin ay "weeder," na siyang nagbubungkal ng lupa sa pagitan ng mga naitanim na palay upang mabilis magsupling ang mga ito at kumapal.
Higit sa lahat, kailangan ang lingguhang pag-a-abono, pag-i-isprey ng pestisidyo, at pagpapatubig tubig para mabilis mamunga ang palay.
Kaugnay nito, sinabi ni Valdez na ang pamahalaan ay tumutulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng mga subsidiya, pamamahagi ng mga makina, at iba pang paraan.
Promosyon at pagpapataas ng kaalaman sa hybrid na palay
Pinangunahan kamakailan ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM), ang "Pestibal ng Pag-ani" sa 150 ektaryang modelong sakahan kung saan tampok ang produksyon ng hybrid na palay, sa Barangay Sapalan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon kay Dr. Mohammad Yacob, Ministro ng MAFAR-BARMM, layon ng pestibal na ito na ipakilala ang hybrid na palay at ang positibong epekto nito sa lokal na ekonomiya at buhay ng mga lokal na magsasaka.
Para naman mabigyang suporta ang mekanisasyon at produksyon, pinagkakalooban ng mga makinang pantrabaho ang mga lokal na magsasaka, sa pamamagitan ng kooperatiba, at kabilang dito ang isang set ng walk-behind transplanter at isang set ng thresher.
Samantala, sinabi naman ni Alex Ibrahim, Puno ng Local Farm Technicians–BARMM, na sa pamamagitan ng mga hybrid na punla at makinang nabanggit, inaasahang magiging doble hanggang triple ang ani sa mga darating na buwan.
"Dati, ang pinakamaraming ani namin ay 40 kaban kada ektarya lamang, pero ngayon, nakakakuha na kami ng halos 115-120 kaban kada ektarya dahil sa hybrid na palay.
Masayang-masaya naman si Cheryl Rose Mary Ann Lu-Sinsuat, Alkalde ng Datu Odin Sinsuat sa tagumpay ng kanilang modelong sakahan.
"Todo ang suporta ko sa mga prorama ng MAFAR-BARMM dito sa aking munisipalidad at buong rehiyon," saad niya.
Nasa 500 magsasaka at ibang may-kinalamang personahe at organisasyon mula sa 36 na munisipalidad ng rehiyong awtonomo ang dumalo sa nasabing pestibal.
10 toneladang ani kada ektarya, sa gastos na P5 kada kilo; posible sa hybrid na palay mula sa Tsina
Malakas ang paniniwala ng Department of Agriculture (DA) na mararating ang target na 10 toneladang ani kada ektarya sa gastos na 5 piso kada kilo (10-5), sa pamamagitan Super Hybrid Rice (SHR) o SHR-10-5 Program ng pamahalaan.
Ayon sa DA, posible ang target na ito dahil noong 2011, natamo na ng Super Hybrid Rice na idinedebelop ng China National Hybrid Rice R&D Center (CNHR-RDC) ang milestone sa aning 13.5 metriko tonelada (MT) kada ektarya.
Sa pamamagitan ng PhilSCAT, ibinigay ng Tsina sa Pilipinas ang inisyal na programa hinggil sa hybrid na palay, kaya mahalagang lalo pang palakasin ang kooperasyon sa Tsina, anang DA.
Sinabi pa ng kagawaran na lumalapit na sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas ang bansa, dahil nasa 187,000 MT na lamang ang pag-aangkat ng noong 2019.
Samantala, sa isang pagtitipong isinagawa sa Pilipinas noong 2019, ipinahayag ni Yuan Longping, Direktor-heneral ng CNHR-RDC, na nakikita niyang magtatamo ng komersyal na tagumpay ang super hybrid rice sa Pilipinas, sa loob ng tatlong taon.
"Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, siguro, makaraan ang tatlong taon, ang ating SHR ay magiging komersiyalisado na sa Pilipinas.
Mapapalakas pa natin ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas sa pamamagitan nito," saad ni Yuan.
Maliwanag na malaking pakinabang ang dulot ng pagtatanim ng hybrid na palay, at marami nang Pilipinong magsasaka ang nabenepisyuhan nito.
Subalit, katulad nga ng sabi ni Danilo Zablan, Freddie Punzalan at iba pang magsasaka ng Tarlac, hindi ganoon kadali ang transisyon mula sa tradisyunal tungo sa isang makabago at mekanisadong uri ng pagsasaka.
Para maabot ang pagkakaroon ng supisyenteng bigas para sa Pilipinas at suportahan ang pandaigdigang kampanya sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain, kailangang-kailangan ang pinag-ibayong pakikipagkooperasyon sa PhilSCAT, mas malaking suporta mula sa mga lokal na pamahalaan, pagbubuklod ng mga kooperatiba at magsasaka, at tulong ng mga pribadong kompanya at iba pang may-kinalamang-panig.
Artikulo: Rhio Zablan
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |