Inulit nitong Lunes, Setyembre 21, 2020 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang kilos ng Kanada sa kaso ni Meng Wanzhou ay humantong sa alanganing kalagayan ng relasyong Sino-Kanadyano.
Hinimok ng panig Tsino ang panig Kanadyano na mataimtim na pakitunguhan ang solemnang paninindigan at pagkabahala ng panig Tsino, agarang palayain si Ginang Meng, at likhain ang kondisyon para sa pagbalik ng relasyon ng dalawang bansa sa tumpak na landas.
Ayon sa ulat, magkakasanib na nagpadala ng liham ang mahigit 100 dating diplomata ng Kanada kay Punong Ministro Justin Trudeau, para hilingin sa pamahalaan na palayain si Meng Wanzhou bilang kapalit sa pagpapabalik ng dalawang mamamayang Kanadyano na sina Michael Kovrig at Michael Spavor.
Kaugnay nito, saad ni Wang, malinaw at matatag ang paninindigan ng panig Tsino sa kaso ni Meng Wanzhou. Magkaiba ang esensya ng insidente ni Meng at kaso ng naturang dalawang mamamayang Kanadyano. Ang insidente ni Ginang Meng ay grabeng insidenteng pulitikal. Pero ang nasabing dalawang mamamayang Kanadyano ay pinaghihinalaang nagsagawa ng mga aktibidad na nagsasapanganib sa pambansang seguridad ng Tsina.
Salin: Vera