Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Wha Chi: batalyong Tsinong nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas

(GMT+08:00) 2020-10-13 16:36:52       CRI

Nagsimula ang ugnayang Pilipino-Sino mahigit isang libong taon na ang nakakalipas.

Ang uganayang ito ay hindi lamang tungkol sa kalakalan at pagpapalitan ng kultura, kundi ito rin ay may malalim na kaugnayan sa pagmamahal at magkaagapay na pakikibaka para sa kalayaan, kapayapaan at kaunlaran.

Ngunit sa di-malamang dahilan, ang maluwalhating kasaysayan ng ugnayang ito ay hindi masyadong nabibigyan ng nararapat na atensyon sa mga aklat sa paaralan, mga peryodiko at maging sa social media.

Sa artikulong ito, ilalahad ko sa inyo ang isang bahagi ng ugnayang Pilipino-Sino na nagbigay ng malaking ambag sa pagtatayo ng indipendiyenteng Pilipinas, at ito ay ang kuwento ng Wha Chi, batalyong Tsinong nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII).

Ugnayang Pilipino-Sino bago ang pagdating ng mga Kastila

Ang pinaka-unang banggit sa ugnayang Pilipino-Sino ay matatagpuan sa Volume 186 ng Song Dynasty Annals, kung saan maliwanag na nakatala, na noong 971AD, nagpunta sa lalawigang Guangdong at nakipagkalakal sa Tsina ang mga taga-bansang Ma-I (posibleng Mindoro o Laguna).

Bukod pa riyan, nakasaad diin sa Volume 332 ng aklat na Wenxian Tongkao, na noong 982AD, bumalik sa Guangdong ang mga taga-Ma-I at dinala nila ang mga mahahalagang kalakal.

"Mayroon din ang bansang Ma-I, kung kalian, noong ika-7 taon ng panahon ng Taiping Xingguo (982AD) ay nagdala ng mahahalagang kalakal sa dalampasigan ng Guangdong," saad ng aklat.

Ayon naman kay Luis H. Francia sa kanyang librong "A History of the Philippines: From Indios Bravos to Filipinos," ang Butuan ang siyang pinaka-aktibo sa mga puwerto ng sinaunang Pilipinas, at ito ang unang estado na nagtayo ng pormal na diplomatikong relasyon sa Tsina noong Oktubre 1003AD, nang ipadala nito ang dalawang embahador na sina Li-ihan at Gaminan sa Tsina.

Nakatala rin sa Ming Dynasty Annals ang kuwento ng makasaysayang paglalakbay ng Sultan ng Silangang Kaharian ng Sulu na si Paduka Batara sa Beijing noong 1417AD; ang marangyang pagtanggap sa kanya at kanyang entorahe ng imperyal na korte; ang kanilang pakikipagkalakal sa Beijing; ang kanyang biglaang pagkakasakit at pagkamatay habang pabalik ng Sulu; ang pagdadalamhati ng kanyang kaibigan na si Zhu Di, Emperador ng Dinastiyang Ming; ang kanyang maharlikang puntod sa lalawigang Shandong, gawing silangan ng Tsina; at ang matalik na pagkakaibigang nagbuklod sa mga Pilipino at Tsino.

Sa paglipas ng maraming taon, lalo pang lumakas ang ugnayan ng mga sinaunang Pilipino at Tsino, at sa panahon ng pagdating ng mga Kastila sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legaspi noong 1571, natagpuan nila sa Kaharian ng Maynila ang komunidad ng mga Tsinong kasamang naininirahan ng mga Pilipino.

Wha Chi (Feilubin Huaqiao Kangri Zhidui)

Bago pumutok ang WWII, maraming Tsino mula sa Katimugang bahagi ng Tsina ang nagtungo sa Pilipinas upang humanap ng mas mabuting buhay at makapagpadala ng pera sa kanilang mga pamilya sa Tsina.

Sa panahon ng okupasyon ng mga Hapon noong 1942, nakapagtayo na ng unyon ang mga migranteng Tsino sa Pilipinas, at ito ang Chinese United Workers Union in Manila.

Itinuturing nila ang Pilipinas at Tsina bilang kanilang tirahan at lupang-tinubuan, kaya nang magsimulang manalakay ang mga Hapon, napagpasyahan ng mga miyembro ng unyon na labanan ang mga mananakop.

Kasama ang iba pang puwersang Pilipino, umakyat sila sa Bundok Arayat, sa lalawigang Pampanga upang magsanay sa pakikipaglaban.

Noong una, mayroong mga 400 miyembro ang grupo, na karamihan ay nasa edad 20 anyos.

Kadalasan silang ipinadadala sa mga labanan, kasama ang mga elemento ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP).

Subalit dahil sa mga labanang ito, marami sa kanila ang nasawi, kaya noong 1942, pinabalik mula sa prontera ang natitirang 52 miyembro upang muling makapagpalakas ng puwersa.

Armado lamang ng 2 pistola, 7 riple, at ilan pang nakuhang kagamitan sa labanan, nagtungo sa Kabundukan ng Pasbul, Pampanga ang natitirang 52 upang sumailalim sa karagdagang pagsasanay at magkaroon ng kaalaman sa estratehikong pagpaplano.

Matapos ang tatlong buwan, muli silang bumalik sa aktibong operasyon at tinawag nila ang kanilang batalyon bilang Wha Chi (Feilubin Huaqiao Kangri Zhidui), na nangangahulugang Philippine-Chinese Anti-Japanese Guerrilla Forces.

Bukod sa pangalang Wha Chi, ang batalyon ay kilala rin sa pangalang 48th Squadron, na hango mula sa pangalan ng mga tanyag na New 4th Army at 8th Route Army ng Tsina.

Ang New 4th Army at 8th Route Army ay ang dalawang pangunahing puwersa ng Tsina laban sa mga Hapon.

Maliban sa direktang labanan, pinalakas din ng Wha Chi ang kanilang ugnayan sa mga sibilyan at lokal na komunidad, kung saan nagmumula ang kanilang pagkain, gamot, at impormasyon.

Ayon sa kuwento ni Aqunio Lee, anak ng isang dating miyembro ng Wha Chi at ngayon ay presidente ng Wha Chi Descendants Association (WCDA), minsan ay umidlip sa isang kubong malapit sa isang bayan ang kanyang tatay.

Nang dumaan ang isang taga-bayan, nakita nito na may baril ang ama ni Lee.

Sa pangambang isusuplong siya sa mga Hapon, kinausap ng ama ni Lee ang nasabing tao, pero sa halip na magsuplong, binigyan pa siya nito ng pagkain.

Ayon kay Lee, bilang isang gerilyang puwersa, kailangang may malakas na suporta ang Wha Chi mula sa mga mamamayan, dahil sa tuwing dadako sila sa mga pamayanan, kailangan nila ng lugar na mapagpapahingahan, makakainan at pagamutan.

Malakas at matibay ang suportang ibinigay ng mga sibilyang Pilipino sa Wha Chi, dahil alam nila na nakikipaglaban ang mga ito para sa kalayaan ng Pilipinas, dadag ni Lee.

Dahil sa kanilang giting at kakayahan sa labanan, nakuha ng Wha Chi ang respeto ng iba pang Pilipinong gerilyang grupo, at di-naglaon ito ay naging ganap na panganib sa puwersa ng mga Hapon.

Kaugnay nito, mahigit 10,000 sundalo ang idineploy ng mga Hapon sa lugar ng Bundok Arayat, na siyang kuta ng Wha Chi upang sila ay puksain.

Naghiwa-hiwalay naman sa maliliit na grupo ang Wha Chi at nagtago sa paligid ng Ilog Candaba, Pampanga upang maiwasan ang direktang komprontasyon sa mga Hapon.

Pagod man, kulang sa kagamitan, gamot at pagkain, hindi sumuko ang Wha Chi; tinawid nila ang mga bayan-bayan upang makilahok sa ibat-ibang labanan at sila ay naging matagumpay sa pagsalakay sa mga lokal na gobyernong nasa ilalim ng kontrol ng mga Hapon.

Kahit sa paglisan ni Heneral Douglas MacArthur at pagbagsak ng Corregidor, Bataan, ipingapatuloy ng Wha Chi ang pakikibaka, pagpapalakas ng puwersa at pagpapalawak ng kanilang ugnayan sa mga lokal na komunidad.

Sa kanyang salaysay sa magasing Philippine Graphic, sinabi ni Juana Tan Mo, na siya ay nagsilbing tagahatid ng sulat at tagabigay ng impormasyon para sa Wha Chi.

Aniya, para mawalan ng suporta at mapuksa ang Wha Chi, winasak ng mga Hapon ang mga komunidad na napag-alamang sumusuporta sa mga gerilya kaya naman napakamapanganib ang situwasyon noong panahong iyon.

At para naman hindi magsuspetsa ang mga Hapon sa kanyang ginagawa, itinatago niya ang mga sulat sa ilalim ng basket ng kanyang bisikleta na siya namang inuupuan ng nakababata niyang kapatid.

Dagdag niya, inilalagay naman ng ibang tagahatid ang mga sulat sa ilalim ng mga basket ng isda.

Di-naglaon, nagsanib-puwersa ang Wha Chi, HUKBALAHAP at mga tropang Pilipino at Amerikano upang lalong mapalakas ang kanilang operasyon laban sa mga Hapon.

Liberasyon ng Laguna at pagtatapos ng digmaan

Isa sa mga pinakamatagumpay na labanan kung saan, bahagi ng operasyon ang Wha Chi ay ang liberasyon ng Laguna noong Enero 26, 1945.

Laban sa mahigit 200 sundalong Hapon at iba pang kaalyado, nagsimula ang bakabakan, alas otso ng umaga at nagtapos ala sais ng gabi.

Pagkatapos ng madugo at mahirap na labanan, napa-atras ng mga batalyon ng Wha Chi at HUKBALAPAHAP ang mga Hapon sa bahay-kampana ng isang simabahan.

Upang mapalabas at mapuksa ang mga kalaban, sinilaban ng Wha Chi ang nasabing bahay-kampana at nagsipagtakbuhan ang mga Hapon sa lahat ng direksyon.

Ang tagumpay na ito ay ang pagtatapos ng okupasyon ng mga Hapon sa Laguna.

At dahil sa kabayanihan ng mga miyembro ng Wha Chi, isang monumento ang itinayo sa Bayan ng Santa Cruz bilang parangal sa kanila at iba pang gerilyang nakipaglaban para sa liberasyon ng lalawigan.

Sa huling dako ng WWII, may 6 na squadron ang Wha Chi at ang mga ito ay binubuo ng mahigit 700 kabataang Tsino.

Sila ay lumahok sa mahigit 200 labanan sa 14 na probinsya sa kalakhang Luzon, na nagresulta sa pagkakaligpit sa mahigit 2,000 sundalong Hapones at pagkakasawi ng mahigit 200 mula sa kanilang hanay.

Ilan sa mga kilalang lider ng Wha Chi ay sina: Felix Cu, Kho Liong Woon, Lim Ki Chin at Toh Kang Lay.

Noong 1945, matapos ang 3 taon at 4 na buwang pakikipaglaban, nagtapos ang operasyon ng Wha Chi kasabay ng pagtatapos ng WWII, at lahat ng mga miyembro nito ay bumalik sa mapayapang pamumuhay.

Ayon kay Lee, ang pinakamahalaga ay ibahagi sa susunod na henerasyon ang mga totoong pangyayari, at ipaalam sa kanila ang kabayanihan at mga buhay na ini-alay ng mga Tsinong nakipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas.

Hindi man isinilang sa Pilipinas, minahal ng mga sundalo ng Wha Chi ang Pilipinas na tulad ng kanilang sariling bansa.

Inihandog nila sa Pilipinas ang kanilang buhay at dugo, at ang kanilang kontribusyon sa pagtatayo ng isang malaya at masagang bansa ay hindi kailanman dapat makalimutan ng lahat ng Pilipino sa buong mundo, sa habang panahon.

Pinatutunayan ng Wha Chi, na ang mahigit isanlibong taong uganayan ng Pilipinas at Tsina ay hindi lamang tungkol sa kalakalan at pagpapalitan ng kultura, kundi ito rin ay may malalim na kaugnayan sa kalayaan, pagmamahal sa kasarinlan at magkasamang pagsulong tungo sa isang, mapayapa, maunlad at pinagbabahaginang kinabukasan para sa sangkatauhan.

Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>