|
||||||||
|
||
Kuala Lumpur — Sa kanyang pakikipagtagpo nitong Martes, Oktubre 13 (local time), 2020 kay Punong Ministro Muhyiddin Yassin ng Malaysia, ipinahayag ni Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa harap ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nagtutulungan at magkasamang nagpupunyagi ang Tsina at Malaysia para mapawi ang kahirapan, bagay na nagpapakita ng mapagkaibigang damdamin ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Wang na nakahanda ang panig Tsino na palakasin ang pakikipagkooperasyon sa Malaysia sa iba't-ibang larangan para ibayo pang mapasulong ang komprehensibo't estratehikong partnership ng dalawang bansa sa post-pandemic era.
Idinagdag pa ni Wang na pinahahalagahan ng panig Tsino ang mahalagang katayuan at papel ng Malaysia sa kooperasyong panrehiyon. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap kasama ng panig Malay para mapangalagaan ang namumunong katayuan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), mapangalagaan ang katatagan at kaunlarang panrehiyon, at mapataas ang kalidad at lebel ng relasyong Sino-ASEAN.
Ipinahayag naman ni Muhyiddin na itinuturing ng Malaysia ang Tsina bilang mahalagang katuwang. Pinasalamatan niya ang ibinibigay na malaking tulong ng Tsina sa Malaysia sa pakikibaka laban sa pandemiya.
Aniya pa, nakahanda ang Malaysia na patuloy na patingkarin ang positibong papel sa pagpapasulong ng lebel ng kooperasyong Sino-ASEAN.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |