Beijing—Miyerkules, Hulyo 18, 2018, nakipagtagpo si Premyer Li Keqiang ng Tsina kay Tun Daim Zainuddin, Espesyal na Sugo ng Punong Ministro ng Malaysia.
Iniabot ni Daim kay Li ang liham ni Punong Ministro Mahathir Bin Mohamad ng Malaysia. Anang liham, patuloy na magpupunyagi ang bagong pamahalaan ng Malaysia para mapanatili ang mapagkaibigang relasyon sa Tsina, at nakahanda itong ibayo pang palakasin ang komprehensibo't estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Ipinahayag ni Li na nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Malay, na panatilihin ang tuluy-tuloy na gumagandang tunguhin ng relasyon ng dalawang bansa, batay sa paggagalangan, at pantay na pakikitungo sa isa't isa. Pasusulungin din aniya ang kooperasyon sa malalaking proyektong gaya ng industrial park, waterfront industrial zone, imprastruktura ng transportasyon at iba pa. Dagdag pa ni Li, palalawakin din ang pagpapalitang kultural, para makapaghatid ng mas malaking benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Nagpahayag naman si Daim ng kahandaan para sa magkasamang pagpapasulong ng pag-unlad ng dalawang bansa, at iba pang mga bansang Asyano, pasulungin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinbangan ng Tsina at ASEAN, at hanapin ang kagalingan para sa mga mamamayan ng dalawang bansa, rehiyon, at buong daigdig.
Salin: Vera