Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Louis Marquez: Shenzhen, magiging lider sa teknolohiya sa buong mundo; pamumuhay sa lunsod, isang biyaya-Mga Pinoy sa Tsina

(GMT+08:00) 2020-10-19 10:40:43       CRI

Ang Shenzhen ay isang melting pot na inklusibo sa iba't ibang talento at boses at lider ng inobasyong panteknolohiya. Ganito inilarawan ni Louis Marquez ang lunsod na tinaguriang kauna-unahang special economic zone ng Tsina.

Kasalukuyang ipinagdiriwang ng Shenzhen ang ika-40 anibersaryo nito at ibinibida sa mundo ang matagumpay na transpormasyon mula sa isang nayon ng pangingisda tungo sa pagiging napaka-modernong lunsod ngayon.

1998 unang tumapak sa Shenzhen si Ginoong Marquez. Ipinadala siya ng kumpanya sa Pilipinas upang tumulong i-set-up ang bagong opisina sa Tsina. Tatlong taon ang inilagi niya sa AMREP, isang quality inspection services company,  bilang  Technical Assistant.

Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, "Pagkatapos nito, kinuha ako ng boss ko para magtrabaho sa kanyang bagong kumpanya naman sa Xiamen, isa ring economic zone sa Tsina. Nagtagal ako sa NORTHPOLE China Ltd., isang outdoor equipment company, bilang Sr. Quality Manager, hangang 2012 (11 years) at bumalik sa Shenzhen noong taong 2012 hanggang sa kasalukuyan  (8 years)."

Mahigit isang dekada ng residente si Marquez sa Shenzhen. Napabilib siya sa nakita niyang mabilis na pagtugon ng gobyerno sa mga pangangailangan ng tao sa anumang aspektong pangkabuhayan. "Meron at meron kang makikita na pagbabago taon-taon. Isa ring (nakaka-impress) ang pag-protekta sa kalikasan kasama sa pag -unlad."

Mga dayuhan, katuwang sa kaunlaran

Nang tanungin ng China Media Group Filipino Service kung ano ang sikreto sa pag-unlad ng Shenzhen, ito ang naging sagot ng kasalukuyang Manager ng Merchandise Quality Engineering Department / Technical Engineering Support ng WALMART Global Sourcing, "Ito ay isa sa kauna-unahang economic zones ng Tsina. Ito ang nagbigay ng kaunlaran sa pamamagitan ng pag-dagsa ng mga tao galing sa ibang bansa. Sa pamamagitan nito, maraming mga iba't ibang kaisipan ang nagbigay ng teknolohiya at kaalaman na ginawang leksyun para sa ikauunlad ng lugar na ito."

Aniya pa, pinaka-epektibo sa pag-unlad ng Shenzhen nitong nakalipas na apat na dekada ang pagdinig sa boses ng iba't ibang tao kahit dayuhan para makuha at magawa ang target.

Kamakailan, inilahad ng pamahalaang Tsino ang mga plano para sa hinaharap sa okasyon ng ika-40 anibersaryo ng lunsod. Kabilang dito ang patuloy na pagbubukas sa mga inibiduwal, kompanya at bansang dayuhan.

Kaugnay nito, saad ni Marquez, "Ito ay oportunidad ng mga taga-Shenzhen na ipakita ang pagkakaisa ng mamamayan, kasama ang mga dayuhan, na pwedeng iangat pa ang estado nito para matularan. At sa tingin ko sa lalong madaling panahon ang Shenzhen ang magbibigay ng liderato di lang sa Tsina, pati na rin sa mundo."

Shenzhen, mangunguna sa larangan ng teknolohiya

Nakikini-kinita rin ni Marquez na sa mga darating na panahon, ang Shenzhen ay magiging isang lider sa larangan ng teknolohiya. Palagay niya, mayaman ang karanasan ng syudad na ito sa manufacturing ng mga teknikal na produkto. Kapansin-pansin ang pag-unlad ng mga software na kumpanya na sariling gawa ng Tsino. Dagdag niya, "Ang maganda pa ay dito na mismo tinetesting."

Si Louis Marquez sa Tian'an Cyber Park, sa distrito ng Longgang, Shenzhen. Ito ang pinakamalaki at pinaka-inobatibong industrial real estate sa Tsina.

Sa palagay ni Marquez, ang isa sa mga pwedeng matutunan ng Pilipinas sa Shenzhen pagdating sa pagtatayo, pagpapatakbo at pagpapaunlad ng special economic zones ay ang pagtangkilik sa sariling gawa at pagsuporta sa paggawa ng mga basic 'building tools' ng industriya. "Ito ay magiging haligi ng ibat ibang industriya, lalo na sa mga basic materials na halos ay iniimport natin. Halimbawa, pagtatayo ng mga steel mills," paliwanag ni Marquez.

Isang biyaya ang pamumuhay sa Shenzhen

Kasalukuyang naninirahan sa Longgang si Marquez at ang kaniyang pamilya. Mabilis at maraming mga pagbabago sa imprastruktura at transportasyon sa naturang komunidad. Isa ito sa Shenzhen development areas.

Balanse ang buhay-buhay ng pamilya Marquez. May oras sa pagkayod. May oras sa pagsasaya. Aktibo rin si Marquez sa Filipino community at siya ay isang Barangay Tanod ng Barangay Tsina.

"Sa aking tingin maganda ang living style dito. Tayo naman ay adaptable at nakikihalubilo sa ating mga kapatid na Tsino at mostly welcome na welcome tayo. Talagang nagpapasalamat din tayo sa biyaya at oportunidad na nakarating tayo sa bayan ng Senzhen at naranasan ang pag-unlad at nakita natin ang mga ito," masayang ibinahagi ni Maraquez.

Hanggang kailan 'nya pa balak magtrabaho sa Shenzhen?

"Hahaha gusto kong maging permanent resident dito sa Shenzhen, kasama ang aking pamilya. Ngayon meron nang ibinibigay na application ang Shenzhen para rito.  Pero gusto ko pa ring umuwi at makitang umunlad ang Pilipinas, i-share ang aking natutunan at  siguro sa teknolohiya i-share sa paggamit nito sa farming. Mga 10 years pa sa Shenzhen with God's grace."

Artikulo: Mac Ramos
Larawan: Louis Marquez/VCG
Edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>