|
||||||||
|
||
"Hindi tayo naririto para gumawa ng kapayapaan, sa halip, magtayo/magpunyagi para sa kapayapaan. Hindi tayo naririto upang ipaghiganti ang mga sugat ng nakaraan, sa halip, isakatuparan ang mga hangarin ng sangkatauhan para sa hinaharap. Hindi tayo naririto para ipagbaha-bahagi ang mga bunga ng tagumpay, sa halip, ihanda ang mga puso at isipan ng lahat sa pagtatanim ng punla ng kapayapaan."
-Carlos P. Romulo, Ika-41 Plenaryong Pulong ng Pangkalahatang Asembleya ng United Nations (UN), 1946.
Ang kapayapaan ay sandigan ng kasaganaan, at ang kasaganaan ay unibersal na hangarin ng sangkatauhan.
Ang Pilipinas at Tsina ay dalawa sa mga bansang nakaranas ng maligalig na nakaraan, kaya naman, matibay ang kanilang determinasyon upang suportahan ang pagtatayo ng isang mapayapa at masaganang mundo sa ilalim ng watawat ng misyong pamayapa ng UN.
Simula nang maitayo ang misyong pamayapa ng UN noong 1948, hindi kailanman bumitiw ang dalawang bansa sa kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ibat-ibang lugar ng mundo.
Mula 1963, matatag na naninindigan ang Pilipinas sa responsibilidad nito sa misyong pamayapa at naging kalahok sa mahigit 20 operasyong pamayapa ng UN sa mga lugar na gaya ng Asya, Africa, Gitnang Silangan, at Timog Amerika.
Sa panayam kamakailan ng China Media Group-Filipino Service (CMG-FS) kay Philippine Marines 2nd Lieutenant Manuel S. Prado Jr. (retired), sinabi niyang laging handa ang mga kawal Pilipino upang pangalagaan ang kapayapaan saan mang dako ng mundo.
Si Tinyente Prado ay miyembro ng Philippine Marines Special Operations Group (MARSOG) at bahagi ng puwersang pamayapa ng UN na nagsilbi sa Israel, Syria, Egypt, Lebanon, at Turkey, mula 2010 hanggang 2011.
Tinyente Manuel S. Prado (kaliwa) at Sarhento Snachez (kanan) habang nagsisilbi sa misyong pamayapa ng UN
Aniya, medyo mahirap at delikado ang kalagayan sa mga lugar na nabanggit, at kailangan ang mahigpit na pagsunod sa mga utos at koordinasyon sa iba pang grupo ng puwersang pamayapa.
Ani Prado, bawat grupo ng mga sundalo ay mananatiling naka-duty sa loob ng 34 na oras, bago makapagpahinga.
Kaya naman, kailangang manatiling alerto sa kahit anumang puwedeng mangyari.
Idinagdag pa ni Prado na isang karangalan para sa isang kawal Pilipino na katawanin ang kanyang bansa sa internasyonal na kaganapan, dahil ito ay isang pagkakataon para ipakita ang talento at kasanayan ng mga Pilipino sa usapin ng pangangalaga sa kapayapaan.
Grupo ng mga kawal Pilipino sa misyong pamayapa ng UN
Mainam na plataporma aniya ang misyong pamayapa ng UN dahil malaki ang naitutulong nito upang ipagsanggalang ang katiwasayan ng maraming lugar ng mundo, protektahan ang mahihina at nangangailangan, at isulong ang pagkakaibigan at kooperasyon sa pagitan ng mga sundalo at sandatahan puwersa ng ibat-ibang nasyon sa ilalim ng UN.
Sa kanyang talumpati sa ika-75 Pangkalahatang Asemblea ng UN noong Setyembre 22, 2020, ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasasalamat sa magigiting na tagapamayapa mula sa ibat-ibang bansa ng mundo, kabilang na ang mga kawal Pilipino.
Aniya, "mula sa Golan Heights sa Gitnang Silangan hanggang sa Liberia sa Kanlurang Africa, matatagpuan ang mga kawal Pilipino na pumapagitna sa pagitan ng mahihina at gustong manakit sa kanila."
"Nagpapasalamat ako sa lahat ng magigiting na tagapamyapa, lalung-lalo na sa mga kawal ng Pilipinas, na walang-sawang nagsusulong ng usapin ng kapayapaan, kahit sa gitna ng napakahirap na situwasyon," saad ni Duterte.
Kinumpirma rin ni Pangulong Duterte ang kagustuhan ng Pilipinas sa pagpapadala ng mas maraming babaeng tagapamayapa, at aniya "nais nating pataasin ang presensiya ng Pilipinas sa misyong pamayapa ng UN sa pamamagitan ng partisipasyon ng mas maraming kababaihan."
Noong 2019, ang Pilipinas ay mayroong 90 military observer at peacekeeping staff; 1 force headquarter support unit, na kinabibilangan ng 180 katao; at 1 aeromedical evacuation team sa misyong pamayapa ng UN.
Sa kabilang dako, ang taong 2020 ang siya namang ika-30 anibersaryo ng partisipasyon ng Tsina sa misyong pamayapa ng UN.
Bilang isa sa limang permanentng miyembro ng UN Security Council (UNSC) at ikalawang pinakamalaking ekonomiya ng mundo, isinasabalikat ng Tsina ang mga aktibong hakbang para sa misyong pamayapa ng UN.
Kaugnay nito, inilabas kamakailan ng bansa ang white paper na pinamagatang, "China's Armed Forces: 30 Years of UN Peacekeeping Operations."
Inihayag ng dokumento na sa loob ng tatlong dekada, mahigit 40,000 opisyal at kawal ang ipinadala ng Tsina sa 25 operasyong pamayapa, at sila ay nai-destino sa mahigit dalawampung bansa at rehiyon ng daigdig, na kinabibilangan ng Cambodia, Democratic Republic of the Congo, Liberia, Sudan, Lebanon, Cyprus, South Sudan, Mali at Central African Republic.
Ang mga tauhang Tsino ay nagsilbi sa mga yunit na tulad ng inhenyeriya, medikal, transportasyon, helikopter, force protection, at impanteriya.
Maliban dito, sila rin ay nanungkulan bilang staff officers, military observers at seconded officers.
Tagapamayapang Tsino na si Yu Peijie (kanan) habang umaawit kasama ng mga batang lokal, sa Juba, Timog Sudan, noong Abril 30, 2018. Ang 26 anyos na si Yu ang pinuno ng yunit ng mga kababaihang tagapamayapa sa ilalim ng peacekeeping infantry batallion ng Tsina sa Timog Sudan.
Pangako ng Tsina na ipagpatuloy ang matatag na suporta at partisipasyon sa misyong pamayapa ng UN para maisulong ang pandaigdigang kapayapaan at pag-unlad tungo sa bagong panahon.
Ang mga tagapamayapang Tsino na miyembro ng Blue Tone Band habang nag-eensayo para sa konsiyertong pandespedida sa Mali, noong Mayo 12, 2018 bago sila umuwi sa Tsina. Anim na kawal ng ikalimang batch ng mga tagapamayapang Tsino ng UN Multidimensional Integrated Stabilization Mission in Mali (MINUSMA) ang bumuo ng Blue Tone Band.
Samantala, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng pondo ng misyong pamayapa ng UN.
Noong 2019, ito ay may mahigit sa 15% kontribusyon sa kabuuang pondo ng nasabing misyong pamayapa, na nagkakahalaga ng mga US$7bilyong Dolyar.
Ito ay mas mataas ng mahigit 10% kumpara noong 2018.
Hinggil dito, sa Ika-75 Sesyon ng United Nations General Assembly noong Setyembre 22, 2020, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping, na "Ang Tsina ay ang pinakamalaking umuunlad na bansa sa buong mundo; isang bansang nananangan sa mapayapa, bukas, kooperatibo, at komong pag-unlad [ng sangkatauhan]."
Ang mga salitang ito ay nagbibigay-liwanag sa direksyong nais tahakin ng Tsina tungo sa pagsusulong ng pagtutulangan, multilateralismo, pangangalaga sa pandaigdigang kapayapaan, pagsusulong ng pag-unlad, mapayapang pagresolba sa mga pagkakaiba, at pagpapalakas ng internasyonal na sistema, kung saan, ang UN ang nukleo.
Sa globalisadong mundong ating ginagalawan, lubhang kailangan ng seguridad at pandaigdigang kapayapaan ang kooperasyon at pagtutulungan mula sa lahat ng bansa.
Para rito, patuloy na nagpupunyagi ang Pilipinas at Tsina, kasama ng UN upang gampanan ang kanilang tungkulin sa pagsusulong ng mapayapa at masaganang daigdig na may pinagbabahaginang kapalaran.
Artikulo: Rhio Zablan
Edit: Jade
Larawan: Manuel S. Prado/ VCG/Xinhua
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |