|
||||||||
|
||
Ang Todos los Santos o Araw ng mga Patay ay isang mahalagang okasyon at tradisyong naka-ugat sa makulay at dibersipikadong kultura nating mga Pilipino.
Tinatawag din ngayon bilang "Undas," hindi lamang ito araw ng paggunita at pagdarasal para sa kaluluwa ng mga namayapang mahal sa buhay, kundi panahon din para sa muling pagsasama-sama ng buong pamilya.
Pero, dahil sa biglaang pagsulpot ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), maraming bagay sa ating pamumuhay at lipunan ang nagbago at patuloy pang nagbabago.
Upang maipagsanggalang ang mga mamamayan laban sa lalo pang pagkalat ng COVID-19, inilabas, Setyembre 17, 2020 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Resolusyon Bilang 72, na nag-uutos "sa lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo, memoryal na parke, kasama na ang mga kolumbaryum at katulad na establisyemento sa buong bansa na magsara sa lahat ng mga bisita mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2020."
Ayon pa sa IATF-EID, papayagan lamang ang limitadong bilang ng tao na dumalaw sa puntod ng kanilang mga kamag-anakan mula sa Setyembre 17 hanggang Oktubre 28 at mula Nobyembre 5 hanggang 15.
Nakasaad din sa resolusyon na ang bilang ng mga taong papayagang bumisita ay lilimitahan sa 30% lamang ng kapasidad ng lugar, at kailangan nilang magsuot ng face mask, face shield at mahigpit na sundin ang mga panuntunan ng social distancing.
Mga kahaliling pamamaraan ng paggunita ng Undas
Sa panayam sa China Media Group-Filipino Service (CMG-FS), sinabi ni Teresita Marchan (isang guro ng elementarya sa Guimba, Nueva Ecija), dinalaw na niya ang puntod ng kanyang mga namayapang kamag-anakan, at sa Nobyembre 1, magdarasal at magsisindi na lamang siya ng kandila para sa kanila.
Samantala, sa isa pang hiwalay na panayam sa CMG-FS, ipinahayag naman ni Cecilia Zablan (isang retiradong guro ng mataas na paaralan mula sa Caluluan, Concepcion, Tarlac), bago sumiklab ang pandemiya, kadalasan silang nagpupunta sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay sa kinahapunan ng Nobyembre 1.
Aniya, ang okasyong ito ay napakahalaga sa kanyang pamilya dahil ito ay isang pagkakataon upang muling magkita-kita ang mga miyembro ng kanyang angkan.
Pero, dahil sa di-pangkaraniwang situwasyon sa kasalukuyang panahon, mamabutihin na lamang niyang manatili sa bahay, magdasal at magsindi ng kandila para sa kanyang mga namayapang kamag-anak.
Napakaraming tao sa sementeryo tuwing Araw ng mga Patay, kaya kung hahayaan ito, malaki ang posibilidad na lalo pang kakalat ang COVID-19, aniya.
Sa tingin ni Zablan, mainam na desisyon na isara ang mga sementeryo at katulad na lugar ngayong Todos los Santos para sa kabutihan ng lahat.
"Hindi naman malaking kawalan kung hindi ko mabibisita ang puntod ng tatay at nanay ko ngayong bakasyon, dahil maari ko naman silang dalawin sa ibang araw at puwede ko rin silang gunitain sa pamamagitan ng online na plataporma," aniya pa.
Samantala, ayon naman sa inilathalang artikulo ng Philippine News Agency (PNA), sinabi nina Brian Barrun, 37 anyos ng Pulo, Cabuyao, Laguna; at Ramz Alamis, 26 anyos ng Tanza, Cavite na gugunitain nila ang kanilang mga kamag-anak na sumakabilang-buhay sa pamamagitan ng pagsisindi ng kandila at pagdarasal sa kanilang mga bahay.
"Undas Online" ng CBCP
Sa kabilang dako, ayon sa Catholic Bishop's Conference of the Philippines (CBCP), handa na para tumanggap ng mga hiling para sa panalangin ang kanilang "Undas Online" na plataporma.
Sinabi ng CBCP na ang naturang website ay may mga bagong tampok, na tulad ng livetream ng mga misa, audio at video reflection, at mga katekismo.
Ayon kay Msgr. Pedro Quitorio, Media Relations Director ng CBCP, ang mga tao ay maaari ring magsindi ng online na kandila habang nagdarasal para sa kaluluwa ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ang online na platapormang ito ay orihinal na ginawa para sa Filipino seafarers at overseas Filipino workers, pero dahil sa COVID-19, ito ngayon ay isa nang napaka-inam na alternatibo upang ipagdasal ang mga sumakabilang-buhay.
Praktika ng mga Tsino sa Qingming Festival
Samantala, ang Tsina ay may katulad ding okasyon na gaya ng Todos los Santos, at ito ay tinatawag na Qingming Festival.
Ang Qingming Festival o Araw ng Pagwawalis ng Puntod ay nagsimula sa Tsina mga 2,500 taon na ang nakakaraan, at kinikilala ito ngayon bilang pampublikong piyesta opisyal sa bansa.
Ito ay ipinagdiriwang sa unang araw ng ikalimang solar na termino ng Kalendaryong Tsino, at tulad ng Todos los Santos ng Pilipinas, ito ay idinaraos ng mga Tsino upang ipagdiwang ang kahalagahan ng buhay at gunitain ang alaala ng mga namayapang mahal sa buhay.
Gaya sa Pilipinas, ipinagdiriwang ang Qingming Festival sa pamamagitan ng pagbisita, pagwawalis, pag-aalay ng mga halaman at bulaklak, at paglalagay ng pagkain sa puntod ng mga kamag-anakang sumakabilang-buhay.
Ito ay isa sa mga pinakamahalagang pestibal sa Tsina, at noong 2019, mahigit 9.7 milyong Tsino ang bumisita sa libingan ng kanilang mga kamag-anakan.
Pero, dahil sa COVID-19 sa kasalukuyang taon, maraming Tsino ang pisikal na hindi nakapunta sa puntod ng kanilang mga kamag-anak.
Magkagayunman, naipagdiwang pa rin ito sa Tsina sa pamamagitan ng mga online na plataporma.
Ang ginawa hakbang ng mga Tsino sa Qingming Festival nitong Abril ay masasabing mga inobatibo at mainam na alternatibong paraan upang pangalagaan ang sariling kalusugan sa gitna ng pandemiya, habang ginugunita ang mga pumanaw na kamag-anakan at ipinagdiriwang ang kahalagahan ng buhay.
Ayon sa Ministry of Civil Affairs ng Tsina, halos 13.4 milyong Tsino ang gumamit ng online na plataporma para gunitain ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa nakaraang Qingming Festival noong Abril 4, 2020.
Sa lalawigang Guangdong, gawing timog ng Tsina, inilunsad ang serbisyong ito sa WeChat platform ng pamahalaang panlalawigan.
Sa katulad na paraan, sinimulan din ng Fushouyuan Cemetery at Haigang Lingyuan Cemetery sa lunsod Shanghai ang mga cloud tomb-sweeping channel para sa mga kamag-anakan ng mga nakahimlay sa rito.
Sa pamamagitan ng mga online na platapormang ito, maaaring ilagay at baguhin ang mga biograpikal na impormasyon ng mga namatay na kamag-anak, mag-upload ng kanilang mga larawan at video, at maglagay ng mga virtual na alay at iba pa komemoratibong aytem sa mga virtual na puntod.
Puwede ring mag-post ng mga kahilingan at panalangin, at ibahagi ang link sa iba pang kamag-anak at malalapit na kaibigan.
Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng mga online na plataporma, maaaring upahan ang mga staff ng mga may-kinalamang sementeryo at memoryal na parke upang linisin at alayan ang puntod ng mga mahal sa buhay.
Ang buong proseso ay naka-livestream at mapapanuod (on demand) ng mga kamag-anak ng mga sumakabilang-buhay.
Ulat: Rhio Zablan
Edit: Jade
v E-commerce ng Tsina, positibong oportunidad para sa mga produktong Pilipino 11-12 13:05 |
v Pagbubukas at pag-unlad ng distrito ng Pudong, Shanghai, maaaring matutunan ng Pilipinas – Embahador Jose Santiago Sta. Romana 11-11 16:19 |
v Xi Jinping: Pag-unlad ng Tsina at daigdig, hindi dapat paghiwalayin 11-10 21:12 |
v Xi Jinping, lubos na pinahahalagahan ang inklusibo at sustenableng pag-unlad 11-10 19:45 |
Louis Marquez: Shenzhen, magiging lider sa teknolohiya sa buong mundo; pamumuhay sa lunsod, isang biyaya-Mga Pinoy sa Tsina |
Bagong semestre, nagsimula; mga DIY na regalo mula sa mga mag-aaral, inihandog sa mga gurong Pilipino sa Shanghai |
Bong Antivola: 2020 CIFIT hudyat sa kahanga-hangang pagbangon ng Tsina sa gitna ng pandemiya; mamumuhunang Tsino malaki ang interes sa pakikipagkooperasyon sa Pilipinas |
Dandy Menor: 19 na taong paninirahan sa Shenzhen, di mapapantayan-Mga Pinoy sa Tsina |
More>> |
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |