|
||||||||
|
||
mp301taposshort.mp3
|
Kung ihahambing sa Beijing o Shanghai, di hamak na mas kaunti ang bilang mga Pinoy sa Kunming. Pero ang kakaunti nilang bilang ang siya namang dahilan kung bakit magkakakilala at tunay na malapit sila sa isa't isa. Sa pagdalaw ng crew ng Mga Pinoy sa Tsina sa Kunming, saksi kami kung gaano kahigpit ng kanilang samahan nang kami ay maanyayahang dumalo sa isang pagtitipon-tipon para ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan.
Sa kabuuan 18 taon nang naninirahan sa Tsina si Linda Pacuan. Labing-pitong taon dito ay inilagi niya sa Kunming. Noong 1998 wala siyang kakilalang Pilipino at ang Kunming noon ay talagang atrasado pa. Kwento niya ang mga bahay ay maliit. Sa mga kalye limitado ang bus at marami pang mga karitela na hila ng mola. Pero ngayon ayon kay Linda napaka moderno ng Kunming, nagtataasan ang mga gusali, napakaganda ng paliparan at handang makipagsabayan sa naglalakihang syudad ng Tsina. Kasabay ng pag-unlad nito dumami na rin ang mga Pilipinong nagtatrabaho dito. Simula 2010, matapos maging saklaw ng Konsulado ng Pilipinas sa Chongqing, nagkaroon ng pormal na tipon-tipon ang Filipino Community at isa ito sa kinasasabikang salu-salo ni Linda Pacuan. Aniya marami sa kanyang dayuhang kaibigan ang naiingit dahil sa tuwi-tuwina ay dumadalaw ang mga opisyal Pilipino para kamustahin ang kalagayan nila.
Si Mercy Annoque naman ay 14 na taon na sa Kunming. Bakit siya hiyang dito? Sagot niya dahil sa mabait na mga tao. Malapit siya sa mga minorya ng Yunnan at bahagi ng proyektong tumutulong sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga katutubo. Aniya, isang pribilehiyo ang makapag-lingkod sa kanila. Masayang-masaya si Mercy na makadalo sa pagtitipong inorganisa ng konsulado pagkakataon daw itong maibahagi sa kabataang Pinoy na ipinanganak sa Tsina na mas maunawaan ang kasaysayan ng bansa, maging ang kulturang Pilipino.
Bukod sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, mahalaga ang pakay ni Consul General Olivia Palala sa Kunming. Ito'y para ihatid ang mga programa at serbisyo ng gobyernong Pilipino sa FilCom Kunming. Higit sa lahat, ang pagpunta niya sa Kunming ay para dalawin din ang limang Pilipino na kasalukuyang nakakulong sa lunsod dala ng kaso sa droga.
Pakinggan ang buong panayam ni Mac Ramos sa programang Mga Pinoy sa Tsina.
Si Linda Pacuan
Si Mercy Annoque
Si Consul General Olivia Palala
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |