|
||||||||
|
||
Tag-ulan na sa Pilipinas ngayon. Umuulan ba habang nakikining kayo sa aming programa? Mag-ingat kayo sa paglabas-labas ninyo kung umuulan. Ayon sa ulat, dumaan ang bagyong Guchol sa Pilipinas at nag-iwan ito ng kasuwalti at kapinsalaan sa ari-arian. Ikinalulungkot ko ang sinapit ng mga biktima. Sana naman gawin ng mga kinauukulan ang nararapat para madaling makabangon ang mga mamamayan sa mga apektadong lugar. Sana makapaghatid ng kasiyahan ang programang Pop China doon sa mga biktima ng kalamidad. Inuulit ko ang aking taos-pusong pakikiramay sa mga nawalan ng kamag-anakan.
Kung madalas ang pag-ulan, siguradong magdudulot ito ng mga problema sa pamumuhay ng mga tao—at siyempre sa buong lipunan. Pero, kung wala namang ulan, meron ding problema, di ba?
Sa dakong hilaga ng Tsina ngayon, lalo na sa Beijing, mainit pero tagtuyo ang panahon. Madaling hapuin ang mga tao kung mananatili sa labas ng bahay nang mahabang panahon.
Kahit hindi maganda ang panahon sa tag-init, masaya pa rin ang mga estudyanteng Tsino, dahil nagsimula na rin ang 2 buwang summer vacation. Ito ang bagay na kinaiinggitan ko sa mga estudyante-summer vacation-kasi, kung nagtatrabaho ka na, hindi ganoon kahaba ang bakasyon. Ang isa pang maganda sa summer vacation, malaya ang mga estudyante na gawin ang mga bagay na gusto nilang gawin dahil may pasok naman sa opisina ang kanilang mga magulang.
Pag sumasapit ang summer vacation sa Tsina, ang mga sinehan ay laging nagpapalabas ng mga bagong local at foreign films na gaya ng Mirror mirror, Hunger Game, Painted Skin II, Double Trouble, at iba pa. Kaya ang unang awiting ngayong gabi ay ang Painted Heart II, theme song ng bagong local film na Painted Skin II na ipinalabas noong nagdaang Abril. Ang mang-aawit ay si Zhang Liangying, mahusay at magandang babaeng Tsino.
Obligasyon para sa bansa at tunay na pagmamahal, alin ang mas mahalaga? Ang koneksiyon sa pagitan ng dalawang pagpili ay siyang nagsisilbing paksa ng pelikulang ito. Para sa sinuman, ang pagpili ay malaking hamon. Sa kabilang dako, ang pagtalakay sa pagmamahal ay isang permanentang pagksa sa mga pelikula, musika, at kasaysayan ng sangkatauhan.
Bukod sa panonood ng mga pelikula, sa katotohanan, mayroon pang ibang mga aktibidad ang mga estudyante, na gaya ng paglalaro at paglalakbay. Sa tingin ko, ang paglalakbay ay isang magandang paraan para malaman ang iba't ibang lugar, kultura, at lipunan. Kung may oras ka, saan mo gustong magpunta? Kung ako ang tatanungin, ang Tibet ang unang papasok sa aking isip. May mga magagandang snow mountain, kilalang Potala Palace, mahabang kasaysayan at nakakabighaning kulturang Budismo doon. Kaya ang awitin sa susunod ay ang Chen Ai Zai Ge Chang o Happy Breath, isang awiting ukol sa mga bagay sa Tibet na inawit ni Sa Dingding, babaeng mang-aawit Tsino.
Sa katotohanan, hindi pa ako nakakapunta sa Tibet, pero nagustuhan ang lugar na ito ng lahat ng mga taong nakapunta na minsan dito. Ayon sa mga video, litrato, at libro, ang Tibet ay parang langit sa lupa. Kaya kung may pagkakataon ako, siguradong pupuntahan ko ang lugar na ito.
Manood man ng pelikula o maglakbay, bakasyon man o pumapasok sa opisina o paaralan, sana manatiling masaya ang pamumuhay natin sa buong araw. Ang huling awitin ngayong gabi ay may kinalaman dito. Ito ay ang Washing Machine, mula kay May Day, isang banda na binubuo ng mga macho-guwapito mula sa Taiwan.
Walang duda, lahat tayo ay may kinakaharap na mga kahirapan sa pamumuhay o napapagod sa trabaho at pag-aaral. Kung ganoon, gamitin natin ang mga paraan para mabawasan ang naturang negatibong damdamin at pasiglahin muli ang kalooban natin. Parang washing machine na inaalis ang dumi sa damit.
Itong muli si Ernest at sa ngalan ni Ate Sissi, sana manatiling malusog at masaya kayong lahat day and night.
Good night~
Pop China Ika-22
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |