|
||||||||
|
||
PRODUKSYON NG PALAY ANG PRAYORIDAD NG PILIPINAS. Sa kanyang pagsasalita sa taunang pulong ng Food and Agriculture Organization sa Roma, Italya, sinabi ni Kalihim Proceso J. Alcala na palay ang kanyang pinagtutuunan ng pansin. Bagaman, isinusulong din niya ang pagkain ng mais, cassava at kamote upang mabawasan ang demand para sa bigas. (Contributed Photo)
PUSPUSAN ang ginagawang pagpapahusay ng produksyon ng palay upang dumating ang pagkakataong sapat ang kakaining butil ng mga Pilipino. Ito ang buod ng pag-uulat ni Kalihim Proceso J. Alcala sa isang linggong pagpupulong ng Food and Agriculture Organization sa Roma, Italya. Sinimulan ang pagpupulong noong nakalipas na Sabado.
Kaisa ng FAO ang Pilipinas sa misyon nitong mabawasan ang pagkagutom at kawalan ng sapat na sustansya dahilan sa kakulangan ng pagkain.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni G. Alcala na sa nakalipas na tatlong taon, isinulong ng Kagawaran ng Pagsasaka ang Food Staples Sufficiency Program na nakatuon sa produksyon ng palay. Nakatuon ang FSSP sa pagpapabuti ng produksyon upang makasabay ang mga magsasakang Pilipino sa mga magsasaka ng iba't ibang bansa.
Isinulong din ng Pilipinas ang pagkain ng mais, cassava, kamote at saging upang mabawasan ang pressure sa palay.
Idinagdag pa ni Kalihim Alcala na malaki na rin ang nagastos ng pamahalaan sa mahahalagang agricultural infrastructure sa nakalipas na tatlong taon. Maituturing na self-sufficient na ang Pilipinas sa bigas sapagkat nakapaglalabas na ng fancy at aromatic rice patungong Dubai at Hong Kong ngayong 2013.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |