|
||||||||
|
||
20130828Melo
|
NAGBABAGO ang papel na ginagampanan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa paglipas ng mga taon. Ito ang sinabi ni Armed Forces Chief of Staff General Emmanuel T. Bautista sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines sa Mandarin Hotel kaninang umaga.
NAGBABAGO ANG ANYO NG SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS. Sinabi ni General Emmanuel T. Bautista, Chief of Staff (may mikropono) ng Armed Forces of the Philippines na pagkakaroon ng makabagong mga kagamitan para sa Hukbong Dagat at Hukbong Himpapawid ng Pilipinas ang kanilang prayoridad sa pagtatapos ng kanilang internal security operations sa nakalipas na apat na dekada. Na sa kanyang kanan si BGen. Domingo J. Tutaan, Jr. ang Tagapagsalita ng AFP at sa kanyang kanan si Jason Gutierrez, Pangulo ng FOCAP. Humarap siya sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kanina. (Mga larawan ni Melo Acuna)
Ang pagbabago ay dahilan sa pagtatapos ng kanilang misyon sa internal security operations o paglaban sa armadong mga gerilyang kabilang sa New People's Army at mga armadong grupo sa Mindanao, tulad ng mga tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front at ang mga Abu Sayyaf sa ilang bahagi ng kanlurang Mindanao. Umaasa silang matatapos ang kanilang misyon bago pa man sumapit ang taong 2016.
Pagtutuunan ng pansin ng Armed Forces of the Philippines ang pagtatanggol sa nasasakupan ng bansa. Hinggil sa nabalitang paglilipat ng mga base militar ng Hukbong Dagat at Hukbong Himpapawid ng Pilipinas sa Subic, mahalaga umano ito sapagkat mangangailangan ng malaking salapi kung magtatayo ng mga bagong base militar. Maganda ang kinalalagyan ng Subic sapagkat makatutugon ito sa anumang pangangailangan sa alinmang bahagi ng Pilipinas.
Naghihintay na lamang ang Armed Forces of the Philippines ng pahintulot ng pamahalaang pambansa upang masimulan ang paglilipat. Magmumula ang pahintulot sa Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas at maging sa lupon na bumubuo ng Subic Bay Metropolitan Administration.
Sa unang limang taon, bibigyang-pansin ang pagpapaunlad ng hukbong-dagat at hukbong-himpapawid ng Pilipinas sapagkat napabayaan ito sa mga nakalipas na panahon.
Kailangang magkaroon ng credible defense posture na magiging dahilan upang magdalawang-isip ang mga nagbabalak manakop sa Pilipinas.
Hinggil sa pakikipag-usap ng Pilipinas sa Estados Unidos tungkol sa increased rotational presence, sinabi ni General Bautista na walang katiyakan kung ilan pang kawal na Amerikano ang idaragdag sa kasalukuyang bilang ng mga kawal sa ilalim ng Visiting Forces Agreement.
Kung siya raw ang tatanungin, mas gusto niyang magpakalat ang Estados Unidos ng mga kagamitang mapapakinabangan sa pagtugon ng pamahalaan sa mga kalamidad na nararapat nang ilagay sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Tungkol sa nababalitang pamamasok ng iba't ibang mga mamamayan sa nasasakupan ng Pilpinas, sinabi ni General Bautista na mayroong mga Taiwanes, Vietnamese at mga Tsinong mangingisda na nadarakip sa nasasakupan ng bansa. Ang ilan sa mga mangingisdang ito ay sangkot sa pag-ani ng mga endangered species bagaman tumanggi siyang sabihin kung aling bansa ang may pinakamataas na bilang ng mga nadakip at pumasok sa Exclusive Economic Zone.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |