|
||||||||
|
||
Nur Misuari, ipinagsumbong na ng Kagawaran ng Katarungan
IPINARATING na ng Kagawaran ng Katarungan ang kasong rebelyon laban kay MNLF founding chairman Nur Misuari, Ustadza Habier Malik at 59 na iba pa sa madugong mga sagupaang naganap sa Lungsod ng Zamboanga.
Ayon sa tatlong hiwalay na impormasyong ipinarating sa hukuman, sina Misuari, Malik, Assamin Hussin, Bas Akri at 57 iba pa ang nahaharap sa usaping rebelyon at paglabag sa Republic Act 9851 na kilala sa pamagat na Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and other Crimes Against Humanity.
Kinasuhan na ng Kagawaran ng Katarungan si Nur Misuari (gitna), ang nagtatag ng Moro National Liberation Front at tatlong mga lider ng kanyang grupo. May 57 iba pa na nadawit sa usapin. (File Photo ni Melo Acuna)
Nagsabwatan umano sila upang mag-alsa at gumamit ng sandata laban sa Republika ng Pilipinas. Inakusahan siya ng pagdadala ng mga tauhan at sandata sa Zamboanga noong ika-9 ng Setyembre upang hadlangan ang kasunduang pangkapayapaan ng pamahalaan at katunggaling grupong Muslim ang Moro Islamic Liberation Front.
Inakusahan sina Misuari ng paggamit ng mga sibilyan bilang pananggalang at panununog ng may 10,000 mga tahanan.
Nararapat lamang litisin ang grupo ni Misuari sa pagbihag ng mga mamamayan sa mga barangay ng Mariki, Rio Hondo, Sta. Barbara, Sta. Catalina, Kasanyagan, Talon-Talon at Mampang. Nabimbin ang mga hostages mula ika-9 hanggang sa ika-30 ng Setyembre. Labing dalawa sa mga sibilyan ang nasawi at may 70 katao ang sugatan.
Higit sa 9,000 tahanan at gusali ang nasunog at nagkakahalaga ng P 200 milyon. Walang inirekomendang piyansa para kina Misuari, Malik, Hussin at Arki samantalang P 200,000 ang piyansa para sa mga tagasunod nilang mga MNLF.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |