|
||||||||
|
||
Simbahan, nakalaang tumulong sa mga biktima ng lindol
NANAWAGAN ang Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pamamagitan ng Caritas Philippines at National Secretariat of Social Action sa madla na tumulong sa mga nasalanta ng napakalakas na lindol na tumama sa Cebu at Bohol noong nakalipas na Martes, ika-15 ng Oktubre.
Ayon kay Fr. Edu Gariguez, executive secretary ng NASSA, mayroong mga 3,000 katao sa baybay-dagat ng Cogon, Dao, Dampas, Tiptip, Manga, Ubujan. Mayroon ding nasa palayan ng Loon, Maribojoc, San Isidro, Calape, Tubigon at Carmen ang nasa evacuation centers tulad ng mga itinayo sa Tagbilaran City at mga kalapit pook. Nangangailangan sila ng pagkain, tubig at sanitation facilities. Kailangan din ng medical assistance ng mga nasugatan. Magugunitang may mga pasyenteng nasa pagamutan na kinailangang ilikas upang mailayo sa panganib.
Nangangailangan din ng psycho-social support lalo na ang mga bata at pamilya ng mga namatayan. Ang Women's Development Center ay nanawagan na kaagad-agad para sa pagkain at tubig na kailangan ng mga biktima.
Sa Diocese of Talibon, sa Bohol, pinakamalubhang pinsala ang tinamo ng mga bayan ng Carmen, Inabanga, Buenvista at Danao. Nangangailangan din sila ng pagkain at tubig na maiinom.
Ayon kay Fr. Gariguez, tumutugon ang mga Diyosesis ng Tagbilaran at Talibon mula sa kanilang sariling pondo at kakayahan. Nangangailangan lamang ng pangdagdag upang matugunan ang matagalang pangangailangan ng mga nasalanta. Naglaan ang NASSA ng P 400,000.00 upang dagdagan ang kakayahan ng dalawang diyosesis. Ginagawa pa rin ang pagsususri sa Diyosesis ng Dumaguete at maging sa Arkediyosesis ng Cebu.
Nakapag-ambag na ang Caritas Manila at ang Basilica Minore ng Itim na Nazareno sa relief efforts ng mga nasalanta, dagdag pa ni Fr. Gariguez.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |