|
||||||||
|
||
melo/20131024.m4a
|
NAGTUNGO si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Bohol upang tiyakin sa mga biktima ng lindol na ligtas na silang makababalik sa kanilang mga tahanan.
Sa kanyang talumpati sa pagwawakas ng 39th Philippine Business Congress ng Philippine Chamber of Commerce and Industry sa Manila Hotel kanina, sinabi ni Kalihim Sonny Coloma na mayroong 63,000 pamilyang apektado ng lindol noong ika-15 ng Oktubre. Halos higit sa 330,000 katao ang nayanig ng napakalakas na lindol at nasundan pa ng may 2,800 aftershocks. Idinagdag ni Secretary Coloma na 68 sa mga aftershocks ang may sapat na lakas upang maramdaman ng mga tao.
Batid umano ni Pangulong Aquino na 'di tulad ng mga bagyo na nakababalik agad sa kanilang mga tahanan at bukirin ang mga biktima, may mga pagkakataong wala nang uuwian pa ang mga mamamayan. Kakaiba ang epekto ng lindol kaya't kailangang palakasin ng pamahalaan ang loob ng mga biktima.
Idinagdag pa ni Kalihim Coloma na ligtas nang umuwi ang mga mamamayan sapagkat sinuri na ito ng mga dalubhasa sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng Department of Science and Technology at mga tauhan ng Bureau of Mines and Geosciences ng Department of Environment and Natural Resources. Sa pag-uwi ng mga biktima mula sa mga paaralan at iba pang evacuation centers, mapapadali ang kanilang pag-aayos ng mga pagawaing-bayan.
Sa isang briefing sa Loon, ang isa sa pinaka-napinsalang bayan sa Bohol, iniulat ng Armed Forces of the Philippines na nakapagdala na ang kanilang mga eroplano at barko ng may 400 metriko tonelada ng relief goods sa lalawigan.
Ayon kay Secretary Coloma, inatasan ni Pangulong Aquino si Secretary Corazon Juliano Soliman, na tiyaking magkakaroon ng mga pagkaing tatagal ng dalawang linggo ang mga biktima hanggang sa ika-30 ng Oktubre.
Sa 37 mga tulay na nasira, tatlo na lamang ang hindi nadadaanan. Ibinalita ni Secretary Coloma na pagsapit ng ika-20 ng Nobyembre ay madadaanan na ang lahat ng tulay.
Ibinalita ni Kalihim Jericho Petilla sa kanilang briefing na 100% na ng mga bayan ang may kuryente na samantalang 83% sa mga barangay at 62% ng mga tahanan ang may kuryente na. Bagaman, hindi lahat ng tahanan ang may kuryente na sapagkat marami pa ring naninirahan sa mga tolda at mga evacuation centers. Nangangamba pa sila na magkaroon ng mas malakas na lindol sa madaling kaya't ayon kay Secretary Coloma, higit na kailangan ang pamahalaang titiyak ng kaligtasan ng mga karaniwang tao.
Sa larangan ng kalakal, sinabi ni Secretary Coloma na may dalawang malalaking pangyayaring magaganap sa Pilipinas sa susunod na ilang taon. Inihalimbawa ang pagdami ng mga kabataan sa taong 2015 na may kakahayang maghanapbuhay, maging mga propesyunal, matatas magsalita ng Ingles at bubuo ng maaasahang workforce na maipanglalalaban sa pandaigdigang pamilihan.
Sa taong 2019, aabot ang average Gross Domestic Product sa $6,000 kaya't ang pagsasanib ng maraming kabataang may hanapbuhay at dagdag sa GDP ay mapapanatili ng hanggang sa loob ng 40 taon. Magaganap ito sa oras na higit na sumigla ang pagtutulungan ng pamahalaan, kalakal at industriya, dagdag pa ni Secretary Coloma.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |